Home NATIONWIDE Executive privilege ‘di hahadlang sa senate investigation – Malakanyang

Executive privilege ‘di hahadlang sa senate investigation – Malakanyang

MANILA, Philippines – Tiniyak ng Malacañang na hindi humahadlang ang executive privilege na ginamit ng mga miyembro ng Gabinete sa imbestigasyon ng Senado kaugnay ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, dumalo ang mga opisyal sa pagdinig at sumagot sa mga tanong na hindi sakop ng executive privilege. Ipinaliwanag niyang may karapatan ang administrasyon na gamitin ito lalo na sa mga sensitibong usapin.

“Karapatan po ng Pangulo, ng administrasyon na i-exercise itong executive privilege especially kung confidential in nature ang pag-uusapan,” ani Castro.

Kinumpirma naman ni Senate President Francis Escudero na nakatanggap siya ng liham mula kay Executive Secretary Lucas Bersamin, na nagsasaad ng executive privilege sa mga talakayan sa loob ng Cabinet meetings na may kaugnayan sa imbestigasyon. Nilinaw niyang kailangang dumalo ang mga opisyal at maaari lamang gamitin ang pribilehiyong ito sa mga usaping direktang may kinalaman sa Pangulo.

Nagsagawa ng pagdinig ang Senate foreign relations committee noong Marso 20 tungkol sa pag-aresto kay Duterte, na dinaluhan ng mga pangunahing opisyal tulad nina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. RNT