Home NATIONWIDE Expanded career progression system sa mga guro, ipinatupad ng DepEd

Expanded career progression system sa mga guro, ipinatupad ng DepEd

556
0

MANILA, Philippines – Nagsimula na ang Department of Education (DepEd) ng implementasyon ng Expanded Career Progression (ECP) System para sa mga guro, isang reporma na layong tugunan ang mga alalahanin sa limitadong promotion opportunities sa public school system.

Ipinapakilala sa DepEd Order No. 024, s. 2025, na pinirmahan ngayong taon, ang bagong teaching ranks na Teacher IV hanggang VII at Master Teacher V, at nag-aalok ng dalawang career tracks, ang Classroom Teaching at School Administration.

Kaiba sa dating sistema kung saan ang guro ay kailangang maghintay ng bakanteng pwesto para maging kwalipikado sa promosyon, itinatatag ng ECP ang reclassification process.

Nagbibigay-daan ito sa mga guro na maka-angat ng ranggo sa oras na maabot nila ang prescribed qualifications at competencies.

“Ang Expanded Career Progression System ay handog ng pamahalaan upang suklian ang kanilang sipag at sakripisyo sa pamamagitan ng mas malinaw na landas para sa kanilang career sa pagtuturo,” saad sa pahayag ni Education Secretary Sonny Angara sa selebrasyon ng National Teachers’ Month.

“Matagal nang hinaing ng ating mga guro ang limitadong pagkakataon para umangat. Ngayon, hindi na kailangang maghintay ng bakanteng posisyon. Kapag natugunan ang pamantayan at naipakita ang husay, maaari nang umusad sa karera,” dagdag ni Angara.

Ang sistema ay naka-angkla sa Philippine Professional Standards for Teachers (PPST) at School Heads (PPSSH), na iginigiit ang teaching quality at leadership competence bilang mga basehan ng promosyon.

“Layunin nating panatilihin ang pinakamagagaling na guro sa loob ng silid-aralan. Kapag mataas ang morale at motibasyon ng guro, mas mataas din ang kalidad ng edukasyon para sa mga kabataan,” ani Angara.

Itinakda ng DepEd ang three-year transition period mula Pebrero 25, 2025 hanggang Pebrero 24, 2028. Sa panahong ito, ang mga bakanteng Head Teacher at Assistant Principal posts ay iko-convert bilang Teacher I positions matapos ang 90 araw mula sa paglalabas ng kautusan.

Ang hindi napunan na Teacher I–III at Master Teacher I–IV positions ay inaasahan naman na mapupunan sa loob ng isang taon mula sa pagiging epektibo ng implementing rules and regulations.

Ang mga guro na kasalukuyang may hawak na Head Teacher o Assistant School Principal positions ay maaaring pumili na panatilihin ang kanilang titulo o ma-reclassify sa katumbas na posisyon na hindi mawawalan ng sahod o step increments.

Mananatili rin silang eligible sa promotion para sa School Principal posts na hindi kailangang dumaan sa Master Teacher I level.

“Kasabay ng bagong career progression, tinutukan din natin ang professional development ng guro—mula sa mas malinaw na job descriptions hanggang sa mas madaling access sa training at mentorship. Lahat ng ito ay bahagi ng mas malawak na reporma para gawing mas kaaya-aya ang propesyon sa ating kaguruan,” dagdag pa ni Angara. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here