Home NATIONWIDE Expansion ng OFW Hospital, iginiit ni Bong Go

Expansion ng OFW Hospital, iginiit ni Bong Go

MANILA, Philippines – Muling iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang isinusulong na i-institutionalize at palawakin ang Overseas Filipino Workers (OFW) Hospital sa San Fernando City, Pampanga.

Ito’y kasunod ng natanggap na pagkilala ng OFW Hospital bilang “Public Facility of the Year (Health Category – Philippines)” sa ginanap na 2025 GovMedia Conference & Awards sa Singapore.

Sinuportahan ni Go ang pananaw ng Duterte administration na specialized healthcare para sa OFWs at natupad ito sa kanyang panunungkulan bilang chairperson ng Senate committee on health.

Ang OFW Hospital na nagsimulang mag-operate noong Mayo 2, 2022 sa pamamagitan ng pagsisikap ng gobyernong Duterte at ng pamahalaang panlalawigan ng Pampanga, ay nagsisilbi ngayong dedikadong medical facility para sa OFWs at kanilang mga pamilya.

“Hindi lang po ito basta ospital. Isa itong konkretong patunay na kaya nating unahin ang kapakanan ng mga OFW na matagal nang itinuturing na mga bayani ng ating bansa,” sabi ni Go.

Bilang isa sa mga may-akda at co-sponsor ng Republic Act No. 11641, na lumikha sa Department of Migrant Workers (DMW), patuloy sa pagsusulong si Go sa iba pang  panukalang batas na susuporta sa kapakanan ng OFWs.

Kasama sa kanyang kasalukuyang pagsisikap ang Senate Bill No. 2297, na naglalayong i-institutionalize ang OFW Hospital upang matiyak ang pananatili nito kahit magbago ng mga administrasyon at termino sa pulitika.

“Hindi puwedeng panandalian lang ang mga programang para sa ating mga OFW. Dapat ito’y permanente at mas palawakin pa,” paliwanag ni Go.

“Kaya tuloy ang laban natin sa Senado para gawing institusyon ang OFW Hospital at mapaigting pa ang serbisyong nararapat para sa kanila,” ayon sa senador.

Naghain din si Go ng SBN 2990 na nagmumungkahing pataasin ang bed capacity ng ospital mula 50 hanggang 100, i-upgrade ang medikal facilities  nito, at pahusayin ang mga tauhan sa pagtugon sa pangangailangan ng mga migranteng manggagawa at kanilang mga pamilya.

Dagdag pa rito, ang kanyang SBN 2414 — kilala rin bilang OFW Ward Act — ay layong iutos sa lahat ng Department of Health (DOH) hospitals sa buong bansa na maglaan ng ward para sa OFWs at kanilang dependents.

Ang nasabing internasyonal na parangal sa OFW Hospital ay nagpapatunay ng ginawang reporma ng administrasyong Duterte.

Kinilala rin sa naturang okasyon ang Anti-Illegal Recruitment and Trafficking in Persons (AIRTIP) Program ng DMW, bilang “Campaign of the Year (Labour Category – Philippines).” Pinaigting nito ang pagsisikap na protektahan ang mga migranteng manggagawa mula sa pang-aabuso at pagsasamantala.

Sinabi ni Go na ang mga nasabing pagkilala ay senyales na ang Pilipinas ay gumagawa ng makabuluhang hakbang tungo sa mga repormang institusyonal para sa mga migranteng manggagawa. RNT