Home NATIONWIDE Negosyanteng nanlaban sa mga holdaper todas sa burgeran

Negosyanteng nanlaban sa mga holdaper todas sa burgeran

Bulacan – Patay ang isang negosyanteng nanlaban nang pagbabarilin ng mga holdaper lulan ng dalawang motorsiklo sa isang burger store sa bayan ng Santa Maria.

Kinilala ang kalunos-lunos na biktima na si Cris Mendoza, residente ng Brgy.Tabing Bakod.

Sa CCTV footages nitong madaling araw ng Linggo, Hunyo 22 at sa video na nagviral sa social media, kitang dumating ang dalawang riding-in tandem sa gasolinahan at ilang saglit ay pumunta ang dalawang lalaking angkas sa kalapit na burgeran.

Nang makarating ay biglang hinablot ng isa sa suspek ang bag ng biktima subalit hindi niya ito ibinigay hanggang sa napahiga at walang kaabog-abog na binaril siya nito.

Samantalang ang kasamahan naman ng suspek ay sinakyan ang nakaparadang Yamaha NMAX umano ng biktima na inangkasan ng suspek na bumaril at mabilis na tumakas kasabay ang dalawa pang back up na rider.

Kita rin sa video ang pagmamaka-awa ng biktimang duguan sa ilang indibiduwal na naroroon na humihingi ng tubig at nagsabing nahihirapan na siyang huminga habang nakahandusay.

Maraming mga netizen ang nagkomento na kung maagang nadala sa kalapit na ospital ang biktima ay maaring nasagip ang buhay nito dahil nakatayo pa ito matapos ang pamamaril at kalaunan ay humandusay.

Bumuhos ang pakikiramay ng mga netizen at humihingi ng hustisya ang mga kakilala at nagmamahal sa biktimang negosyante na kilalang, masiyahin, may mababang loob at lumalaban ng parehas. Dick Mirasol III