MANILA, Philippines – Sasailalim sa court proceedings ang extradition case laban kay Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy bago ito mailipat sa Estados Unidos, ayon sa Department of Justice (DOJ).
Nilinaw ni DOJ spokesperson Atty. Polo Martinez na ang paglalabas ng extradition arrest warrant ay hindi nangangahulugan na si Quiboloy ay agad na ipadadala sa US.
Dapat na isilbi muna ng mga awtoridad ang warrant at magpatuloy sa extradition hearings.
“Mayroon pa po tayong tinatawag na pagsisilbi ng extradition warrant. Magkaka-proceeding pa po… extradition proceeding,” sinabi ni Martinez.
“Doon po sa proceeding na ito, dito po ide-determine ng court if the extradition requested by the United States is warranted,” dagdag pa niya.
Ipinaliwanag ni Martinez na ang law enforcement authorities, partikular ang pulisya, ay responsable sa pagpapatupad ng warrant habang ang tungkulin ng DOJ ay maghain ng extradition petition sa Makati City Regional Trial Court (RTC).
“Ordinarily, it’s our law enforcement, our police officers that enforce the warrant, extradition warrant,” sinabi pa ni Martinez.
Sinabi rin ng DOJ spokesperson na hindi pa tiyak kung gaano katagal ang pagdinig at iginiit na hindi pa nag-iisyu ng extradition warrant ang korte.
Noong Biyernes, matatandaan na nag-isyu ang Makati RTC ng extradition arrest warrant laban kay Quiboloy at co-accused nitong si Teresita Tolibas Dandan at Helen Panilag, sa criminal charge sa Estados Unidos sa international human trafficking, sex trafficking, conspiracy, at bulk cash smuggling.
Nakitaan ng korte ng probable cause para mag-isyu ng warrant matapos matukoy na ang tatlong indibidwal ay pinangalanan sa corresponding US arrest warrants at indictments, at ang mga reklamo ay extraditable umano.
Nag-isyu na rin ang korte ng Hold Departure Order laban sa tatlo na nagbabawal sa mga ito na umalis sa Pilipinas. RNT/JGC