MANILA, Philippines – Binatikos ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla nitong Sabado, Nobyembre 14 ang Department of Foreign Affairs (DFA) at sinabing ang pagbibigay ng pasaporte ay hindi dapat sa ilalim ng ahensya.
Matatandaan na nauna nang ipinanukala ni Remulla ang pag-outsource ng visa issuance sa third party na kinontra naman ng DFA.
“Ang visa giving, tsaka ang passport, ang passport, that is all the function of immigration,” sinabi ni Remulla.
“Dapat passporting, pag-isipan na natin. Huwag na natin ilagay sa DFA… Mas mabuti ‘yan, yung Passport Act, we should repeal it and just go back to the very basic. To guard our borders, it has to be immigration,” dagdag pa niya.
Ani Remulla, ang ilang bansa sa Europe, ang pulisya ang nagbibigay ng visa extensions dahil ang usaping ito ay nasa ilalim ng law enforcement.
Samantala, nagpahayag din ng pangamba si Remulla sa mga umano’y kaso ng pekeng Pinoy na nakakakuha ng lehitimong Philippine passports, habang ang mga totoong mamamayan ay nahihirapan na makakuha ng passport appointments.
Kailangan pa umanong bumyahe ng iba nang malayo para lamang makuha ang kanilang mga dokumento.
Nabahala din ang Ombudsman sa pag-overstay ng mga Chinese na biyahero sa ilalim ng visa-free entry policy ng bansa.
Batid ni Remulla ang pangangailangan ng suporta sa tourism sector ngunit sinabi na ang polisiya ay nagpataas din sa security concerns sangkot ang China.
Dahil dito ay muling nanindigan si Remulla na ang passport at visa issuance ay dapat na tingnan bilang isang law enforcement matters.
“Ang function talaga ng DFA ngayon in this day and age, number one is diplomacy. Number two is assistance to Filipinos. The rest, forget it. Wala na,” sinabi ni Remulla.