Home METRO F2F classes suspendido sa ilang Metro Manila HEIs mula Abril 15 ‘gang...

F2F classes suspendido sa ilang Metro Manila HEIs mula Abril 15 ‘gang 16  

MANILA, Philippines- Dahil sa nakaambang nationwide transport strike, inanunsyo ng ilang unibersidad sa Metro Manila ang suspensyon ng kanilang on-site classes mula Abril 15 hanggang 16.

Kinumpirma ng University of the East (UE) nitong Linggo na lahat ng kolehiyo at physical education (PE) classes sa UE Caloocan at UE Manila ay lilipat sa online synchronous sessions.

Dagdag ng unibersidad, mananatiling bukas ang mga opisina ng mga campus mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Nitong Sabado, nag-anunsyo rin ang Colegio de San Juan de Letrán (CSJL) ng suspensyon ng on-site classes.

Samantala, lilipat lamang ang Adamson University (AdU) sa online learning mode ngayong Abril 15, at ililipat din ang scheduled midterm examinations sa Miyerkules, Abril 17.

Magsasagawa naman ang Polytechnic University of the Philippines (PUP) ng synchronous at asynchronous classes hanggang Abril 30.

Samantala, ipagpapatuloy ng Far Eastern University (FEU) ang on-site classes at inabisuhan ang mga estudyanteng sumasakay sa pampublikong transportasyon na maghanap ng alternatibong ruta.

“Faculty will be asked to accommodate students who are affected by the transport strike and are unable to attend their classes,” dagdag ng unibersidad.

Aarangkada ngayong Lunes ang kilos-protesta ng dalawang major transport groups MANIBELA at PISTON, upang tutulan ang anunsyo ni Pangulong Marcos na hindi na palalawigin ang deadline para sa franchise consolidation na kasado sa Abril 30. RNT/SA