Home NATIONWIDE Face off kina Romualdez, Zaldy Co, ex-Marines pinaghahandaan ni Lacson

Face off kina Romualdez, Zaldy Co, ex-Marines pinaghahandaan ni Lacson

89
0

MANILA, Philippines – Inihahanda ni Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon Committee Chairman Panfilo “Ping” M. Lacson ang isang Chairman’s Progress Report hinggil sa flood control scandal upang magbigay-daan sa muling pagdinig ng komite at makatulong sa pagbuo ng mga kaso ng Department of Justice at Office of the Ombudsman laban sa ilang sangkot.

Ani Lacson, nais din niyang muling imbitahan si dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa susunod na pagdinig ng komite — at pagharapain ito kina dating Rep. Elizaldy “Zaldy” Co at mga dating sundalo na nagsabing naghatid sila ng kickback sa iba’t ibang personalidad.

“Nakapag-draft na kami ng Chairman’s Progress Report. Ang partial report, hindi ko ma-report out dahil sa kakulangan ng signatures ng mga members. So, para to get it over with, naisip mo may precedent naman ito sa nakaraan, magsagawa ng Chairman’s Progress Report,” aniya sa panayam sa DZBB radio.

“We owe it to the Filipino people. Ang Blue Ribbon Committee naka-walong hearings, wala man lang nailabas man lang maski partial report,” dagdag niya.

Aniya, ilalahad sa Chairman’s Progress Report ang mga natuklasan sa partial report, kalakip ang mga ebidensiyang nakalap sa mga pagdinig bilang attachments.

Maglalaman din ito ng mga visual aid upang mas madaling maunawaan ng publiko ang ulat kapag iniharap na ito sa plenaryo, aniya.

Sinabi ni Lacson na bukas pa rin siya sa posibilidad na may iba pang senador na pumirma sa partial committee report upang maisulong niya ito sa plenaryo, kung saan maaari itong talakayin, amyendahan, at pagtibayin.

Kapag naisumite na ang Chairman’s Progress Report, sinabi ni Lacson na maaari itong magbigay-daan sa muling pagsasagawa ng mga pagdinig ng komite — at pahintulutan ang panel na magbigay ng kopya ng ulat sa Department of Justice at Office of the Ombudsman, kasama ang mga ebidensiyang maaaring makatulong sa kanilang imbestigasyon.

“Kung mai-render ko ang chairman’s progress report, that is also as good as sponsoring the partial report. So pwede nang i-resume ang hearing kasi nailabas namin as a matter of public record ang nilalaman ng partial report,” aniya.

“Nagpadala ng mensahe though unofficial, nagpadala ng mensahe ang Ombudsman kung pwedeng padalhan namin sila ng copy ng aming partial report. Pinagaaralan namin ngayon kung uubra ba na ipadala namin maski di pa ito bring up sa floor. So ang isang paraan at ito meron namang pinanggagalingan, ang chairman’s progress report, pwede ibahagi sa Ombudsman nang sa ganoon magamit nila kung anuman ang evidence na wala pa sila at may nakalap sa Blue Ribbon Committee para sa pagsagawa ng kanilang preliminary investigation,” dagdag niya.

“So dapat magkatulong tulong ma-integrate ang effort para mas luminaw, mas tumining ang tubig,” aniya.

Pag-imbita kay Romualdez

Sinabi ni Lacson na nais niyang imbitahan si dating Speaker Romualdez sa susunod na pagdinig ng komite, lalo na matapos nitong magpahiwatig sa isang video message na maaari niyang pangalanan ang ilang personalidad na sangkot sa isyu sa flood control.

“As long as may information na kailangan ang kanyang participation and it seems that way na meron talaga siyang kailangang linawin lalo pa nga’t may nilabas siyang mensahe, we’ll keep inviting him,” aniya.

Dagdag pa niya, mas makabubuti kung magharap sina Romualdez, Co, at ang mga dating sundalo na nagsabing sila ang naghatid ng kickback sa iba’t ibang personalidad, kabilang ang dating Speaker.

“Hindi ako huwes pero base sa aking karanasan na rin sa investigation and intelligence, importante ang maobserbahan mo ang demeanor. Assuming mag-attend siya na payagan siya ng House at siya mismo kusang loob mag-attend, wala kang masyadong way ma-check ang kanyang tine-testify. Pero kung nandiyan si Co at ilang ex-soldiers na nag-deliver o si Guteza pa, mas makakapagtanong kami simultaneously at malalaman maga-gauge namin sino nagsasabi ng totoo at sino outright na nagsisinungaling,” aniya.

Nang tanungin hinggil sa posibilidad na umabot sa Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ebidensiya, iginiit ni Lacson na susundan ng Blue Ribbon panel ang ebidensiya, kahit pa humantong ito sa Pangulo. Gayunman, aniya, sa ngayon ay wala pang halagang ebidensiyal ang mga pahayag ni Co na nag-uugnay sa Pangulo sa umano’y mga kickback dahil hindi ito ginawa sa ilalim ng panunumpa. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here