Home OPINION FACEBOOK, INSTAGRAM, X, TIKTOK BAWAL NA

FACEBOOK, INSTAGRAM, X, TIKTOK BAWAL NA

260
0

SA susunod na linggo, sisimulan na ng pamahalaang Australia ang mga debate at pagdedesisyon kung paano pagbawalan ang mga edad 16 pababa sa buong bansa na gumamit ng social media.

Kabilang sa mga social media na ipagbabawal gamitin ng mga menor-de-edad ang Tiktok, X, Facebook at Instagram.

Ayon sa mga awtoridad, sobra nang naaadik ang mga kabataan sa social media at nakasisira na umano ito sa kanila sa maraming larangan.

Dahil nga sa pagkalulong sa social media, nasisira na umano ang maayos na pag-iisip at magandang kalusugan ng mga bata.

Bukod dito, proteksyon na rin umano ng mga bata ang pagbabawal mula sa mga nagsasamantala sa kanilang murang isipan sa usaping pornograpiya, fake news, deepfake at iba’t ibang pandaraya.

Napansin nilang higit na gamit ng mga bata ang mga cellphone at madaling bitbiting uri ng mga gadget na gamit sa social media.

Suportado ng lahat ng lider ng mga estado sa Australia ang pagbabawal.

ITSURANG ADIK

Walang kaibhan ang mga adik sa Australia sa mga adik sa Pinas.

Dito sa Pinas, napakaraming bata ang nakatutok sa laro sa cellphone at kahit pinapapak na sila ng mga lamok, hindi nila pinapansin ang mga ito hanggang magkapantal-pantal na sila o kaya’y magka-dengue.

Sa Australia, walang gaanong dengue pero nagdadala ang mga lamok nila ng mga virus at bacteria na ikinasasakit nila.

Wala ring ginawa kundi humiga at nakatutok ang mga mata ng mga adik sa mga gadget hanggang sa magkalabo-labo ang kanilang mga mata at magkasakit sa kawalan ng ehersisyo.

Pagkabobo rin sa eskwela ang bunga ng pagkaadik sa socmed dahil inuubos ng mga ito ang mga oras na dapat nakatuon sa pag-aaral, pananaliksik at iba pa.

Nawawala rin sa isipan ng mga adik ang paglalaan ng oras sa mga ordinaryo ngunit mahahalagang bagay sa loob ng bahay gaya ng paghuhugas ng mga gamit sa kainan, pagwawalis,  pagkukuwentuhan ng mga miyembro ng pamilya at iba pa.

Nalululong din ang mga bata sa mga tsismis, madaling mapaniwala sa mga fake news at deep fake at maling impormasyon na nakasisira sa pagkapit nila sa katotohan.

At nasasama sila sa paggawa ng krimen o kaya’y nagiging biktima sila nito gaya sa pornograpiya, suicide at paninirang-puri.

AWAY-AWAY NA

Ngayon pa lang nag-aaway-away na sila sa posibleng pagiging batas ng bawal na social media.

Para sa iba, mas maganda umano kung edad 12 pababa ang pagbabawal dahil madali umano itong ipatupad.

Ang iba, nangangambang mawawalan ng pagkukunan ang mga bata ng mainam na katulong sa pag-aaral.

At malamang umanong maglilihim ang mga bata sa paggamit nito sa loob at labas ng bahay, paaralan at iba pa.

Ang iba, praktikal: Basta hindi bibili ang mga magulang ng mga gadget para sa mga bata o kaya’y ipagbawal ang mga ito na gumamit sa mga oras ng pagpasok at gawaing pang-iskul.

Isa pang mahalaga: Walang maparurusahang magulang at bata kundi ang mga kompanyang may-ari ng socmed.

Kaya dapat lang na sumunod ang mga ito sa batas.

Sa Pilipinas kaya?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here