Home METRO Facebook Live, nakatulong sa pag-rescue ng 240 residente sa Sarangani

Facebook Live, nakatulong sa pag-rescue ng 240 residente sa Sarangani

1
0

SARANGANI, Philippines — Nakatulong ang isang Facebook Live ng concerned citizen upang agad na makaresponde ang Philippine Coast Guard (PCG) sa pagbaha sa Maasim, Sarangani, at mailigtas ang humigit-kumulang 240 residente mula sa 60 pamilya habang patuloy na nagpapalakas ng habagat ang Tropical Storm Kiyapo.

Ayon sa PCG, nakita at napatunayan nila ang sitwasyon sa pamamagitan ng livestream bago agad na nagtungo ang kanilang mga tauhan sa Purok Riverside, Barangay Kablacan noong Hulyo 23.

Tinulungan ng Coast Guard Disaster Response Group (DRG) ang mga residente na lumikas habang binabantayan ang patuloy na pagtaas ng baha. Nagpadala rin ng mga tauhan sa Kumaba Bridge sa Barangay Kanalo matapos itong pansamantalang hindi madaanan dahil sa malakas na ulan.

Ligtas na nailikas ang 60 pamilya o nasa 240 katao, at walang naiulat na nasawi o nasugatan.

Isinagawa ang operasyon sa ilalim ng Intensified Community Assistance, Awareness, Response, and Enforcement (iCARE) campaign ng PCG.

Samantala, noong Hulyo 24, nailigtas din ng PCG ang tatlong pamilya na may kabuuang 20 katao na na-stranded sa baha sa Guimaras at Antique.

Sampung katao ang nailikas sa Sitio Nabagatan, Barangay Poblacion, Jordan, Guimaras, habang 10 pa ang nasagip sa hangganan ng Barangays Guintas at Funda sa Hamtic, Antique matapos maputol ng baha ang kanilang ruta sa paglikas.

Patuloy na nakaalerto ang PCG at nagsasagawa ng monitoring at evacuation assistance sa mga lugar na apektado ng pagbaha. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here