Home NATIONWIDE Fajarda, inalis bilang testigo sa impeachment trial ni VP Sara

Fajarda, inalis bilang testigo sa impeachment trial ni VP Sara

74
0

MANILA, Philippines – Hindi na ipatatawag ng House prosecution panel bilang testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte si dating Department of Education (DepEd) special disbursing officer Edward Fajarda dahil sa humanitarian consideration habang nagpapagaling ito mula sa stroke.

Ayon kay Private Prosecutor Reynaldo Robles, batay sa pinakahuling medical update at kumpirmasyon ng mga doktor ng Senado, kailangan pa ni Fajarda ng 30 araw na recovery period.

“In view of the latest medical update and the confirmation by the doctors of the Senate, as a humanitarian consideration, we are going to dispense with the testimony of the witness and we wish him well,” ani Robles.

Dahil dito, binawi ni Impeachment Presiding Judge Chiz Escudero ang subpoena na naunang ipinalabas kay Fajarda.

Aminado si Robles na marami pa sana silang itatanong kay Fajarda at nais din sanang magtanong ng mga senator-judge, ngunit napagdesisyunan nilang huwag na itong ipatawag dahil sa kanyang kalagayan.

Bago bawiin ang subpoena, hiniling ni Robles na maipakita sa mga senator-judge ang ilang bahagi ng testimonya ni Fajarda sa House inquiry noong Nobyembre 25, 2024. Layunin nitong ipakita ang kanyang pahayag tungkol sa perang ibinigay kay DepEd security officer Col. Dennis Nolasco at kung sino ang nag-utos kay Nolasco na humawak ng pondo.

Sa transcript na binasa sa pagdinig, sinabi ni Fajarda na lingguhan niyang ibinibigay ang pera at umaabot sa ₱4 milyon hanggang ₱6 milyon bawat linggo. Nang tanungin kung siya mismo ang nag-withdraw at nagbigay ng pera kay Nolasco, sumagot siya ng “oo.” Sinabi rin niyang si Nolasco lamang ang taong binigyan niya ng pera.

Nang tanungin kung sino ang nag-utos kay Nolasco na mag-disburse ng pondo, binanggit sa transcript ang pangalan ni Vice President Sara Duterte.

Tatlo na lamang ang natitirang testigo ng prosekusyon para sa alegasyon ng ilegal na paggamit ng confidential funds: sina Police Maj. Jovelyn Magay, dating DepEd Assistant Secretary Atty. Sunshine Fajarda, at Commission on Audit (COA) official Bresilio Sabaldan.

Ayon kay House lead prosecutor Rep. Gerville Luistro, target nilang matapos ang presentasyon ng ebidensya sa ilalim ng Article I sa Miyerkules, Setyembre 9.

Nauna nang napagkasunduan ng depensa na si Col. Dennis Nolasco, security officer ni Duterte, ang tumanggap kay Fajarda ng ₱112.5 milyon na DepEd confidential funds, alinsunod umano sa utos ni Duterte noong siya ang kalihim ng DepEd mula 2022 hanggang 2024. RNT/MDS/Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here