Home NATIONWIDE Fake news: Comelec ‘di hiring ng poll watchers, machine operators

Fake news: Comelec ‘di hiring ng poll watchers, machine operators

MANILA, Philippines – Nagbabala ang Commission on Elections (Comelec) sa publiko kaugnay ng kumakalat sa online na gumagamit ng kanilang pangalan at logo upang mag-hire ng poll watchers at machine operators para sa midterm elections sa Lunes, Mayo 12.

Ayon sa Comelec, ‘fake news’ ang graphics na kumakalat ngayon sa social media at walang opisyal na anunsyo mula sa poll body.

Samantala, nilinaw din ni Comelec Chairman George Garcia ang kumakalat ding mensahe na tumatagos ang marking pen sa official ballot dahil ito ay sobrang nipis kaya mauuwi sa overvote.

Payo ni Garcia, kailangan tama ang pag-shade ng bilog sa tabi ng pangalan ng kandidato gamit ang opisyal na marking pen mula sa Comelec.

Ayon sa Comelec, ang official ballots ay dumaan sa rigid quality assurance ng Comelec at National Printing Office. Ang mga ito ay ink-absorbent at compatible sa opisyal na marking pen.

Nagbabala rin si Garcia sa publiko na huwag magbigay ng anumang personal na impormasyon sa anumang hindi beripikadong posts at ireport ang anumang posts sa mga awtoridad. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)