MANILA, Philippines- Isa sa apat na lider ng sindikato na nasa likod ng pagdukot sa isang estudyante sa Taguig City exclusive school ang nagawang makatakas mula sa police operation sa Central Luzon.
Agad kasing sinimulan ng mga awtoridad ang agresibong pagtugis laban sa mga responsable sa pagdukot.
Kasabay nito, isiniwalat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na ang family driver ng kinidnap na 14-year old Chinese ay lumalabas na kasabwat ng kidnappers.
Winika pa ni Remulla na ang operasyon ay kaagad na isinagawa matapos na mailigtas ang kidnapped victim subalit agad namang nakapuslit ang nasabing lider sa hideout nang dumating na ang mga pulis.
“We were on a stakeout last night, somewhere in Central Luzon. Unfortunately, we weren’t able to corner him. He had escaped by the time we arrived,” ayon kay Remulla.
“But we will find him. We know who he is. We know where he hangs out. We have his numbers. We know his people. And we are almost certain that we will get him pretty soon,” dagdag na wika nito.
Sinabi ni Remulla na ang lider ay nananatili pa rin sa bansa.
Nagpahayag naman ng kumpiyansa si Remulla na mahihirapang makatakas ang naturang lider at bumalik ng Tsina dahil wanted din ito sa nasabing bansa.
Nauna rito, isiniwalat ni Remulla na may mga dating pulis at sundalo ang bumubuo sa Chinese-led syndicate. Ang mga dating pulis at sundalo ayon sa kalihim ay nakakukuha ng monthly income na P200,000 mula sa sindikato.
Sa 22 katao na bumubuo sa sindikato, sinabi ni Remulla na apat mula sa mga ito ay kinokonsidera bilang mga lider habang ang natitira naman ay pawang mga miyembro kabilang na ang dating sundalong Pinoy at pulis.
Nang laliman pa ng mga police investigator ang kaso, winika ni Remulla na ang driver ay kamakailan lamang kinuha ng pamilya ng kidnapped victim at lumalabas nga na kasabwat ng sindikato.
Natagpuang patay ang driver sa loob ng dalawang inabandonang sasakyan, ang isang sasakyan na inabandona ay natagpuan sa kahabaan ng C5 Road at ang isa naman ay sa San Rafael, Bulacan kung saan natuklasan ang bangkay .
Sinasabing ang driver ang sumundo sa bata sa eskuwelahan sa Taguig City noong Pebrero 20 at ayon nga kay Remulla, nagsimula nang magpadala ng mensahe ang bata sa kanyang ama na ang nasabing driver ay dumaraan na sa iba’t ibang ruta pauwi sa kanilang bahay.
Ang batang lalaki at pamilya nito ay nakatira sa loob ng Bonifacio Global City area at ayon sa bata sa isinagawang debriefing, inilipat sila sa ibang sasakyan.
Ang pagkakasangkot ng driver ay napagtibay nang simulan nang i-check ang content ng kanyang cellular phone.
“According to the contents of the cell phone of the driver—but he is not here to defend himself anymore—but according to the contents, he was in cahoots with the perpetrators of the crime. He was part of the syndicate. And according to the information that we got, he was only an employee for one month before the incident happened,” ayon kay Remulla.
Inilarawan naman ni Remulla ang mga suspek bilang psychopaths, kinumpirma ng kalihim na pinutol ng mga suspek ang daliri ng bata sa pagtatangkang pilitin ang pamilya na magbayad ng $20 million ransom—nakunan sa isang video na ipinadala sa pamilya.
“These people are barbaric. They have crossed the line of being human already. They’ve lost all conscience, they are psychopaths, they will do anything to gain an advantage,” ang sinabi ni Remulla.
Ito ang nag-udyok sa kapulisan na magsagawa ng operasyon sa lalong madaling panahon, at sa tulong ng modernong teknolohiya gamit ang cellphone numbers nakuha mula sa cellular phone ng pinatay na driver, nagawa ng mga ito na matunton ang biktima at mga suspek.
Ani Remulla, napilitan ang mga suspek na pwersahang abandonahin ang biktima habang nagsimula na silang tugisin ng mga pulis.
Iginiit ng kalihim na walang binayarang ransom sa kabila ng binawasan na ito sa $1 million.
Sinabi ni Remulla na, “the syndicate apparently knows the wealth source of the victim’s family as they all used to be connected to Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).”
“It seems like the perpetrators knew of the source of wealth and they knew of the amount of wealth that they had. That’s why their demands were according to what they had in the bank,” dagdag na wika ni Remulla. Kris Jose