Home NATIONWIDE SIM registration law dapat amyendahan – Palace exec

SIM registration law dapat amyendahan – Palace exec

MANILA, Philippines- Sinabi ng isang Palace official nitong Huwebes na naniniwala itong dapat amyendahan ang SIM Card Registration Act.

Inihayag ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na mas makabubuting ang rehistrasyon ng SIM cards ay maging ”personal.” Kasunod ito ng pagpapahayag ni Senador Risa Hontiveros ng pagkaalarma sa muling paglitaw ng scamming operations sa pamamagitan ng text messages.

”But as a lawyer, kailangan po talaga na magkaroon ng amyenda especially doon sa SIM card registration. Kailangan po na ang pag-register dito katulad po kapag kayo ay kumukuha ng driver’s license – personal po kayong pumupunta,” pahayag ni Castro sa isang press briefing.

”Kahit kapag pumunta po kayo at kumuha ng NBI clearance, pumupunta po kayo ng personal. Kakayanin po natin ito magrehistro nang tama ang mga SIM cards para maiwasan po iyong mga ganitong klaseng scams na kahit na lang sino ay bumibili ng SIM card; may bayad, bumibili sa iba, binibenta ang kanilang identify, mahihirapan po tayong sugpuin ang krimen kapag po ganoon ang nangyari,” paliwanag niya.

Taong 2022 nang lagdaan ni Pangulong Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr. ang panukalang nagsusulong ng rehistrasyon ng Subscriber Identity Module, layuning isulong ang pananagutan sa paggamit ng mga SIM.

Nilalayon ng SIM Registration Act o Republic Act 11934 na wakasan ang mga krimen gamit ang platform kabilang ang text at online scams sa pamamagitan ng regulasyon ng pagbebenta at paggamit ng SIM sa pamamagitan ng pagmandato ng rehistrasyon sa end-users.

Noong June 2024, nangako ang National Telecommunications Commission na tutugunan ang mga alalahanin sa POGO-related scamming activities sa pag-amin nitong ang SIM Registration Law, na anito’y hindi “silver bullet” laban sa messaging scams, ay patuloy na nahaharap sa ilang hamon sa implementasyon nito. RNT/SA