Home NATIONWIDE Farmers’ groups humirit ng tulong kasunod ng pananalasa ni ‘Egay’

Farmers’ groups humirit ng tulong kasunod ng pananalasa ni ‘Egay’

MANILA, Philippines- Nagsagawa ng kilos-protesta ang dalawang farmers’ groups – ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Bantay Bigas – sa labas ng Department of Agriculture (DA) office laban sa umano’y pagbalewala ng pamahalaan sa mga biktima ni Bagyong Egay.

“Walang natatanggap ang mga magsasaka na biktima ng typhoon Egay at habagat. Namo-monitor namin ang natatanggap ng mga magsasaka ay galing sa LGU (local government unit). Wala sa Department of Agriculture. Nasaan ang pondo para sa rice farmers financial assistance program?? Nasaan ang pondo ng DA?” tanong ni Danilo Ramos, KMP chairperson.

Nakapagtala ang DA ng mahigit ₱4 bilyong halaga ng pinsala sa agrikultura dahil sa bagyo.

Hinikayat ng KMP ang gobyerno na bigyan ang kada isang magsasaka na napinsala ang panananim ng ₱25,000 na tulong.

“Nakakainis, nakakagalit dahil mas malaki pa iyong intel fund kaysa sa mga serbisyo sa mga Pilipino higit lalo yung subsidy para sa ating mga magsasaka,” ani Cathy Estavillo, Bantay Bigas spokesperson.

Sinisilip ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makakalap ng halos ₱10.14 bilyon para sa confidential at intelligence funds sa 2024 national budget.

Nakiisa ang Bantay Bigas sa protesta upang ipanawagan ang implementasyon ng price freeze at price ceiling sa presyo ng bigas, gulay, at iba pang pangunahing bilihin. RNT/SA