ALBAY, Philippines – Sinabi ng Department of Agrarian Reform (DAR) na umabot sa ₱817,359 ang kabuuang benta ng sampung Agrarian Reform Beneficiary Organizations (ARBOs) mula sa Albay sa matagumpay na Agraryo AlbayAni Trade Fair 2025 na ginanap noong Agosto 14–16 sa Ayala Malls Legazpi.
Ayon sa DAR sa loob ng tatlong araw, tampok sa trade fair ang iba’t ibang produktong lokal at value-added goods ng mga ARBO tulad ng tinapa gourmet, sampaguita oil and rub, pili nut candies, peanut butter, banana chips, homemade cookies, coco jam, muscovado sugar, longganisa, sariwang prutas at gulay, at walis tambo, bukod sa iba pa.
Kaugnay nto higit doble ang kinita ngayong taon kumpara sa ₱350,000 na naitala noong 2024 na may 133.53% na pagtaas. Ipinapakita nito ang lumalakas na kakayahan ng mga ARBO sa paglikha ng bagong produkto, pakikipagsabayan sa merkado, at pagpapatakbo ng negosyo.
Samantala kabilang sa mga lumahok ang Asenso Marigondon Irrigators Association (AMIA), Gamot Luya Dalogo Farmers Association (GALUDA), Ligao Oas Consolidated Irrigators Association (LOCIA), Malobago LINKSFARMM Farmers Association, Inc. (MLFAI), Quipia ARB Cooperative (QARBC), Sa Agrarian Reform Iriba Gabos sa Kauswagan (SARIGAN), Samahan ng mga Agraryong Magsasaka sa Pag-unlad, Inc. (SAMPI), Southern Legazpi Upland Barangays (SLUB), Tinapian Farmers Fishermen Multi-Purpose Cooperative (TFFMPC), at Tiwi Food Processors Association, Inc. (TFPASI).
Naisakatuparan ang trade fair sa pangunguna ng Department of Agrarian Reform (DAR) Albay, katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) Albay at Ayala Malls Legazpi.
Kaugnay nito ipinahayag ni OIC-Provincial Agrarian Reform Program Officer II Augusto SA. Medina, Jr. ang kasiyahan sa naging resulta ng trade fair at tiniyak ang patuloy na suporta ng DAR Albay para sa pag-unlad ng mga ARBO at kanilang mga negosyo.
Nagpahayag din ng pasasalamat sina Christina Sto. Tomas ng AMIA at Sharon Decena ng LOCIA, na kabilang sa mga ARBO na lumikha ng mga bagong produktong tinapa gourmet at sampaguita rub and oil. (Santi Celario)