Home HOME BANNER STORY Filipino Olympians may tig-P2M mula sa gobyerno

Filipino Olympians may tig-P2M mula sa gobyerno

MANILA, Philippines – PINAGKALOOBAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng tig-P2 million cash incentives ang mga Olympians at P500,000 para sa kanilang coaching staff.

Sa naging talumpati ng Pangulo sa isinagawang PAGBIBIGAY DANGAL: A HEROES’ WELCOME CELEBRATION FOR THE PHILIPPINES’ PARIS 2024 OLYMPIANS sa Ceremonial Hall sa Palasyo ng Malakanyang, Martes ng gabi, Agosto 13, sinabi nito na pinag-isipan niya kung anong tulong ang maibibigay ng gobyerno sa mga Olympians.

Hindi naman kasi lingid sa kaalaman ng lahat ang sakripisyo na ginawa ng mga atleta sa kanilang Olympic journey.

“So, lahat naman ng atleta natin, bigyan na natin basta nag-Olympian, bigyan na natin ng tig-iisang milyon,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

Ang P1-million cash incentive mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ay tinapatan naman ng Office of the President ng P1- million na cash incentive kaya ang cash incentive para sa bawat Olympian ay tig- P2 million.

“Ima-match pa ng Office of the President yung ibibigay mo para at least may P2 million tayo. Bukod pa roon, dahil sa ating pangingilala sa mga lahat ng tumulong—the coaching staff, bibigyan din natin ng kalahating milyon,” anito.

Binigyang diin pa ng Pangulo na ang abutin ang Olympics ay “extremely difficult” feat para pangasiwaan kaya marapat lamang aniya na bigyan ang mga ito ng ‘reward’ maging anuman ang resulta ng kani-kanilang competitions.

“Kahit sinong atleta dito sa Pilipinas o kung saan man lang, na makapag-qualify sa Olympics, mabigat yun. That is an extremely difficult achievement to have manage,” anito.

Sa kabilang dako, humingi naman ng paumanhin ang Pangulo dahil maliit lamang ang nasabing cash incentive na hindi mapapantayan ang nagawang sakripisyo ng lahat ng national athletes. Subalit nangako ang Pangulo na kikilos ang administrasyon para makapagbigay pa ng marami.

“Hihingi ako ng paumanhin ninyo dahil maliit lang at alam ko na yung isang milyong piso halimbawa ay ikumpara mo sa inyong sakripisyo, ikumpara ninyo sa inyong pinagdaanan, ikumpara ninyo napakaliit lang. Pero ngayon lang ito yung gagawin natin,” aniya pa rin.

Sina Filipino gymnast Yulo; boxers Nesthy Petecio at Aira Villegas, na nakasungkit ng bronze medals; at pole vaulter EJ Obiena, na 4th place sa Paris Games, ang mga nanguna sa mga outstanding national athletes na sinalubong at tinanggap ng Pangulo sa Palasyo ng Malakanyang.

Kabilang sa 17 Olympians na binigyan ng Palace reception ay sina hurdlers Lauren Hoffman at John Cabang Tolentino; boxers Carlo Paalam, Eumir Marcial, at Hergie Bacyadan; weightlifters John Ceniza, Elreen Ando, at Vanessa Sarno; rower Joanie Delgaco; fencer Samantha Catantan; judoka Kiyomi Watanabe; swimmers Kayla Sanchez at Jarod Hatch.

Nauna rito, mainit na sinalubong ng First Family—Pangulong Marcos, Unang Ginang Liza Marcos, at kanilang mga anak na sina Joseph Simon at William Vincent ang mga Olympians at sinamahan sa Ceremonial Hall para sa awarding ceremony at dinner reception.

Ipinagkaloob ang Presidential Citations sa lahat ng mga atleta habang si Yulo ay nakatanggap ng Presidential Medal of Merit.

Ang Cash incentives para sa mga Olympic medalists
ay ipinagkaloob ng Pangulo. Kris Jose