Home NATIONWIDE Filipino teachers idinitine ng ICE kasunod ng Maui immigration raid

Filipino teachers idinitine ng ICE kasunod ng Maui immigration raid

MANILA, Philippines- Isang dosenang Filipino teachers na may J-1 non-immigrant visas ang pansamantalang hinarang ng Immigration and Customs Enforcement (ICE) sa Hawaii kasunod ng pagsalakay sa isla ng Maui.

Kinumpirma ni Hawaii Consul General Arman Talbo na ang mga guro, nagtatrabaho sa ilang eskwelahan sa Maui, ay sumasailalim sa verification procedures at wala sa mga ito ang inaresto ng federal agents.

“The Philippine Consulate General in Honolulu has reached out to the Filipino teachers in Maui who were affected by a U.S. Immigration and Customs Enforcement (ICE) operation. The teachers informed the Consulate that none of them had been arrested and that they are safe and in good condition,” ang sinabi ni Consul General Talbo sa isang panayam.

Sinabi ng Consulate na masusi nitong mino-monitor ang sitwasyon at ang Philippine post sa Hawaii ay nakahandang tulungan ang mga guro, kung kinakailangan.

Sa kabilang dako, sinabi ng U.S. Department of Homeland Security na ang mga guro na na-encounter sa nasabing operasyon ay isinailalim sa statutory law enforcement authority at sumasailalim sa immigration verification.

Ang operasyon ay isinagawa alinsunod sa search warrant na ipinalabas ng federal judge may kaugnayan sa nagpapatuloy na immigration investigation.

Sa isang kalatas, sinabi ng Hawaii State Department of Education na nakipag-usap na ito sa mga guro na sangkot at nagpahayag na handa itong suportahan ang mga ito.

“The Department is aware of an incident involving Immigration and Customs Enforcement (ICE) agents at a private residence housing several of our international teachers on Maui. All of the teachers are safe and accounted for, and we understand the situation was resolved on site with no arrests made,” ang sinabi sa kalatas.

Sa ngayon, mahigit sa 100 Filipino teachers ang nagsisilbi sa iba’t ibang isla sa Hawaii.

Samantala, ayon sa Bridge USA website ng US State Department, ang exchange visitor J non-immigrant visa category ay para sa mga indibidwal na naaprubahan ang partisipasyon sa work-and-study-base sa exchange visitor programs. Kris Jose