Home METRO ‘Fish poisoning’ sa Cadiz City, iimbestigahan

‘Fish poisoning’ sa Cadiz City, iimbestigahan

145
0

BACOLOD CITY — Iniimbestigahan ng mga awtoridad pangkalusugan sa Negros Occidental ang hinihinalang kaso ng fish poisoning sa Cadiz City at nagbabala sa publiko laban sa pansamantalang pagkain ng isdang tuna na kilala sa lokal bilang “aloy” at “tulingan.”

Sa public health advisory na inilabas nitong Martes, hinimok ng Cadiz City Health Office ang mga residente na iwasang kumain ng naturang isda matapos magamot ang mahigit 40 katao na nakaranas ng allergic reactions matapos itong kainin.

“The City Health Office (CHO) of Cadiz urges the public to temporarily avoid consuming ‘aloy’ and ‘tulingan’. Let us all stay vigilant and prioritize our health and safety,” saad sa abiso.

Ayon sa mga opisyal ng lungsod, kabilang sa mga naranasang sintomas ng mga apektado ang skin rashes, pangangati, lagnat o fever-like symptoms, pamamaga, hirap sa paghinga, at iba pang kaugnay na reaksiyon.

Sa kasunod na advisory, sinabi ng city government na batay sa paunang imbestigasyon, ang mga sintomas ay tugma sa histamine fish poisoning.

“This may occur when fish is not properly handled or stored at appropriate temperatures after catching,” dagdag pa.

Bineberipika rin ng mga awtoridad ang ulat na ang “tulingan” ay nagmula sa karatig na lalawigan ng Iloilo at orihinal na ibinenta sa mga lokal na gumagawa ng dried fish para iproseso, ngunit kalaunan ay naibenta bilang sariwang isda sa lokal na pamilihan.

Sinabi ng pamahalaang lungsod na nabigyan na ng kaukulang medical attention ang mga pasyente at patuloy na mino-monitor ang kanilang kalagayan. Nangolekta na rin ng fish samples ang City Health Office at City Agriculture Office para sa toxicological examination.

“We are closely monitoring with concerned agencies to trace the source of the fish and ensure that proper food safety standards are observed,” ayon sa city government.

Pinayuhan din ang mga residente na bumili lamang ng isda at seafood sa mga kagalang-galang at rehistradong vendor, tiyaking sariwa, maayos ang pagkakaimbak, at lutong mabuti ang binibiling produkto, at agad magpatingin kung makaranas ng sintomas gaya ng rashes, pagkahilo, o hirap sa paghinga matapos kumain.

Samantala, nag-anunsyo rin ang Municipal Health Office ng Hinigaran ng pansamantalang pagbabawal sa pagbebenta at pagkain ng “aloy,” epektibo agad, bilang pag-iingat kasunod ng mga ulat ng hinihinalang matinding allergic reactions. Mary Anne Sapico 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here