MANILA, Philippines- Hiniling ng fisherfolk group sa pamahalaan na magpatupad ng price control para sa regulasyon ng retail price ng isda sa gitna ng pagtaas ng presyo nito sa merkado.
Sinabi ng fishers’ group na Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) nitong Biyernes na ang mitsa ng biglaang pagtaas ng presyo ng isda ay ang traders at middlemen na kumokontrol sa presyo mula farmgate hanggang retail.
Inihayag ni Ronnel Arambulo, vice chairperson ng Pamalakaya, na ito ay “failure of the government to directly purchase the fisherfolk’s products at a reasonable price and sell them affordably in the markets.”
“Dapat magkaroon ng hakbang ang Department of Agriculture (DA) para ibalik ang makatwirang presyo ng isda at iba pang produktong agrikultural sa palengke,” giit niya.
Binanggit ng fishers’ group na maaaring magpatupad ang pamahalaan ng price control, sa ilalim ng Republic Act 7581 na may probisyong Automatic Price Control “against illegal manipulation, including profiteering or the sale of offering of sale of any basic necessity or prime commodity at a price grossly in excess of its true worth.”
Sa kasalukuyan ay wala pang komento ang DA hinggil dito.
“For instance, the farmgate price of galunggong in Zambales province is around ₱100-₱120/kilogram, or more than 80 percent lower compared to its usual retail price at ₱220/kilogram,” anang fishers’ group.
Batay sa market price monitoring ng Pamalakaya nitong linggo, nakapagtala ito ng price hikes para sa galunggong at ₱260/kilogram (mula sa ₱180-₱220), tilapia sa ₱150/kilogram (mula sa ₱100-₱120), at bangus sa ₱240/kilogram (mula ₱200). RNT/SA