Home METRO Fishing boat nabangga ng passenger vessel; 1 nawawala; 27 nasagip

Fishing boat nabangga ng passenger vessel; 1 nawawala; 27 nasagip

MANILA, Philippines- Isa ang nawawala habang 27 iba pang mangingisda ang nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) makaraang banggain ang kanilang fishing boat sa Mansalay, Oriental Mindoro ng hindi natukoy na passenger vessel.

Lulan ng fishing boat na FB John Michael ang 28 mangingisda nang mangyari ang insidente.

Ayon sa Coast Guard Station Oriental Mindoro, naganap ang insidente sa humigit-kumulang 14 hanggang 16 nautical miles mula sa bayan ng Mansalay.

“Hindi rin sila makapag-maneuver kasi nga meron silang mga hatak-hatak na mga lambat. So nu’ng nakita nila ‘yung barko, nagtalunan po sila lahat,” sabi ni Captain Airland Lapitan, acting commander ng Coast Guard Station Oriental Mindoro.

Iniulat ng Coast Guard na ilang bahagi lamang ng bangka ang nasira at hindi ito lumubog kaya ligtas na nakabalik ang mga mangingisda sa sasakyang-pandagat.

Gayunman, ang 20-anyos na mangingisda ay hindi pa makita kaya naman patuloy ang isinasagawang search and rescue ng coast guard.

Samantala, nagtamo naman ng injury sa paa ang 52 taong gulang na mangingisda na tatay ng nawawalang mangingisda.

Ayon pa sa PCG, nakabalik na rin sa kani-kanilang pamilya ang mga nakaligtas na mangingisda.

Samantala, sa pinakabagong ulat, natukoy na ng PCG ang barkong nakabangga sa bangka. Binanggit ni Lapitan na ang MV 2GO Masigla ng 2GO Sea Solutions umano ang nakabangga sa FB John Michael.

Inihayag ng opisyal na nakapaghain na ng marine protest ang kapitan ng nasabing barko sa PCG General Santos City.

Giit umano ng kapitan ng barko, may iniwasan siyang lambat kaya nangyari ang insidente.

“Lalabas naman sa imbestigasyon. Iniwasan mo yung lambat, pero yung bangka na mas malaki hindi mo iniwasan?” wika ni Lapitan. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleWax figure ni Pia, nilait!
Next articlePETA sa publiko: Go Vegan ‘di lang tuwing Mahal na Araw