Home HOME BANNER STORY 3,000 kilo ng mangga itinapon na lang ng magsasaka

3,000 kilo ng mangga itinapon na lang ng magsasaka

ISABELA, Philippines – Tinapon na lang ng isang magsasaka sa San Mateo ang humigit-kumulang 3,000 kilo ng hinog na mangga dahil sa labis na suplay.

Sinabi ni Frederick Cayaban sa isang ulat na nawalan siya ng hindi bababa sa P84,000 mula sa mga itinapong mangga.

Ang ani ay bahagi ng 15,000 kilo ng prutas na inihatid nila sa Metro Manila.

“Pagdating sa Metro Manila masyadong mahaba ang pila dahil marami na po ang supply sa planta,” ani Cayaban. “Inabutan po siya ng hinog doon kasi nakulog po, closed van po kasi ang pinagkargaan namin kaya nahinog na rin.”

Bumaba ang presyo ng mangga sa San Mateo sa P5 hanggang P7 kada kilo mula sa P55 kada kilo noong Marso, ani Cayaban.

Gayunpaman, ang presyo sa Metro Manila ay nasa P30 hanggang P95 kada kilo.

Sinabi ni Cayaban na nakipag-coordinate siya sa DA at nakapagbenta siya ng 800 kilo ng mangga para sa mga tindahan ng Kadiwa. RNT