Home NATIONWIDE Fishing expedition matagumpay sa kabila ng fishing ban ng China – PAMALAKAYA

Fishing expedition matagumpay sa kabila ng fishing ban ng China – PAMALAKAYA

MANILA, Philippines- Nagtapos nang matagumpay at ligtas ang 20-boat fishing expedition ng mga mangingisda ng Zambales sa West Philippine Sea sa kabila ng unilateral fishing ban ng China.

Ayon kay PAMALAKAYA Zambales coordinator Joey Marabe nitong Biyernes, Mayo 31 sa panayam ng GMA News, ligtas na nakarating sa baybayin ang mga lumahok na bangka.

“Matagumpay pong nagawa ang sama-samang pangingisda at [maluwalhating] nakabalik sa dalampasigan,” ani Arabe.

Sinabi ni PAMALAKAYA national chairperson Fernando Hicap na nananawagan sila ng demilitarization ng WPS at pagkilala sa traditional fishing ground ng mga mangingisda.

“Ang panawagan, demilitarize West Philippine Sea. Kilalanin ang traditional fishing ground ng mga mangingisda,” saad sa hiwalay na mensahe ni Hicap.

Huwebes ng hapon ay naglayag ang grupo ng mga mangingisda sa Zambales patungo sa WPS bilang protesta sa fishing ban sa South China Sea.

Nauna nang sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang fishing ban ng China ay lumabag sa international law at tinapakan ang soberanya at maritime rights ng bansa.

Hindi rin kinilala ng Manila ang May 1 hanggang September 16 na fishing moratorium ng China dahil pasok dito ang maritime zones ng Manila kung saan mayroong soberanya, sovereign rights at jurisdiction ang Pilipinas.

“The Philippines called on China to cease and desist from the conduct of illegal actions that violate the Philippines’ sovereignty, sovereign rights, and jurisdiction in its maritime zones,” saad sa pahayag ng DFA.

Hinimok din nito ang China “to comply with its obligations under international law, particularly the 1982 UNCLOS and the final and binding 2016 Arbitral Award; and adhere to its commitments under the 2002 Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea.” RNT/JGC