TUGUEGARAO CITY, Cagayan – Narekober ng mga mangingisda ang apat pang pakete ng lumulutang na shabu sa mga dalampasigan ng lalawigang ito noong nakaraang linggo.
Sinabi ni Police Capt. Sheila Joy Fronda, tagapagsalita ng Cagayan Police Provincial Office, na ang ikaapat at pinakahuling pakete ay natuklasan sa pagitan ng Abulug at Ballesteros noong Linggo, Agosto 4.
Nauna nang natagpuan ang tatlong pakete – isa noong Hulyo 29 sa Sanchez Mira na tumitimbang ng humigit-kumulang isang kilo at nagkakahalaga ng P6.8 milyon na kinumpirma ng Cagayan police forensic unit; at tig-isa sa Hulyo 31 at Agosto 2 sa Calayan.
Sinabi ni Fronda na ang mga kontrabando na ito – na mayroon ding Chinese character na markang Cai Yun Li na katulad ng mga natagpuan noon sa mga lalawigan ng Ilocos at lalawigang ito – ay isinumite sa Cagayan police forensic unit para sa karagdagang pagsusuri.
Hinikayat niya ang mga tao sa mga baybaying lugar sa lalawigang ito na iulat ang mga naturang pagbawi sa mga awtoridad.
Nag-alok ng reward si Calayan Mayor Joseph Llopis sa mga residenteng nakadiskubre at nag-ulat ng lumulutang na shabu. RNT