MT. PROVINCE – Patay ang dalawang limang taong gulang na bata matapos malunod sa Chico River sa Sitio Cheppay, Brgy. Bontoc Ili, Bontoc, Mt. Province.
Ang dalawang namatay ay parehong residente ng nabanggit na Barangay na kinilala bilang sina Chris Pangod Payocyoc at Seth Pangod Comafay.
Una rito, pasado alas 3:00 kaninang hapon, Agosto 4, 2024, nakatanggap ng tawag ang Bontoc Operations Center mula sa kasapi ng Bontoc Emergency Response Team (BERT) na mayroong naitalang insidente ng pagkalunod sa nasabing lugar.
Bilang pagtugon, inalerto ng Bontoc Emergency Operations Center ang Bontoc Municipal Police Station (MPS), Bontoc Municipal Fire Station (MFS), Municipal Health Office, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, Bontoc Emergency Response Team, maging ang pamilya ng mga biktima at mga volunteers para magsagawa ng Search, Rescue and Retrieval operations.
Kaugnay nito, unang narekober ng mismong ama ang katawan ng biktimang si Chris malapit sa pinangyarihan ng insidente at agad na isinugod sa ospital subalit idineklara na itong dead on arrival.
Habang sunod na narekober ng mga responders ang ikalawang katawan ng biktima na si Seth malapit lang din sa lugar kung saan sila nalunod na itinakbo rin sa ospital subalit wala na rin itong buhay. Rey Velasco