CAMP JUAN, Ilocos Norte- Muling nakabingwit ng panibagong pakete ng shabu sa lalawigang ito.
Natagpuan ng isang mangingisda sa Barangay 32-B, La Paz, Laoag City nitong Huwebes ang nasabing kontrabando.
Sinabi ni Police Major Amiely Ann Navarro ng Ilocos Norte Police Provincial Forensic Unit na may bigat na 1.1 kilo ang shabu at nagkakahalaga ng P7,586,488.
Nangongolekta ng kahoy ang mangingisda 20 metro ang layo mula sa dalampasigan nang mamataan niya ang isang light blue plastic pack na may markings na Cai Yun Li.
Bahagya niyang binuksan ang plastic cover ng package na naglalaman ng white crystalline substance, kaya dinala niya ito kay Barangay Chairman Rommel Martin Asuncion na siyang nag-ulat ng pagkakadiskubre sa mga pulis.
Sinuri ng mga awtoridad ang package at nakumpirmang shabu.
Ito ang ika-apat na pakete ng shabu na narekober sa Ilocos Norte sa mga nakalipas na araw. Unang nadiskubre ang ilegal na droga sa Burgos, ikalawa sa Barangay Davila, Pasuquin, at ikatlo sa Barangay Balaoi, sa bayan ng Pagudpud. RNT/SA