Home OPINION FLOOD CONTROL, PERA CONTROL?

FLOOD CONTROL, PERA CONTROL?

360
0

MAY bagong kabanata na naman sa matagal nang istorya ng katiwalian sa mga flood control projects — at sa pagkakataong ito, tila mas mabigat at mas malalim ang baho ng anomalya. Labimpitong miyembro ng House of Representatives ang inimbitahan ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson sa nagpapatuloy na imbestigasyon hinggil sa umano’y kickback sa mga proyektong dapat sana’y nagliligtas ng buhay, hindi naglublob sa pera ng bayan.

Ayon kay Lacson, personal niyang ipinaabot ang mga imbitasyon sa pamamagitan ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III. Kabilang sa mga pangalang binanggit ng mag-asawang kontraktor na sina Sarah at Curlee Discaya ay sina dating Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez, dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, at Benguet Rep. Eric Yap — mga bigating personalidad na sinasabing tumanggap umano ng bahagi mula sa pondong inilaan para sa flood control projects.

Kung totoo ang mga paratang, hindi lang ito simpleng kaso ng korapsyon — ito ay garapalang pagnanakaw sa seguridad at buhay ng taumbayan. Habang lumulubog sa baha ang mga probinsya, may mga opisyal umanong nagpapakasasa sa kickback mula sa proyektong dapat sana’y nagsisilbing proteksyon laban sa delubyo. Ang pondo para sa dike ay tila naging tulay ng kasakiman at bakod ng kasinungalingan.

Ngunit tila may lumang taktika na namang nauulit — ang pag-iba ng direksyon ng usapan. Sa halip na harapin ng kasalukuyang administrasyon ang mga multo ng ghost at substandard projects, tila inuulit ang luma at sirang tugtugin ng pagbanat sa nakaraang administrasyon nina Duterte at Bato. Oo, dapat papanagutin ang mga nagkasala noon, pero hindi pwedeng takasan ng kasalukuyang pamunuan ang pananagutan sa mga proyekto sa ilalim ng kanilang rehimen. Dapat silang managot muna bago muling ibalik ang sisi sa nakaraan.

Kung patuloy na magbubulag-bulagan ang pamahalaan, baka ang susunod na baha ay hindi lamang tubig, kundi galit ng taong-bayan. Sawa na tayo sa mga imbestigasyong nauwi lang sa “for the record.” Ang mga flood control project ay hindi dapat maging flood of corruption.

Panahon na para may tunay na maparusahan. Hindi sapat ang imbitasyon sa Senado — dapat ay may aktwal na conviction, may ibalik na pera, at may makulong. Kapag nakalusot na naman ang mga sangkot, malinaw na hindi flood control ang layunin ng gobyerno — kundi pera control.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here