ANG tunay na paglilingkod ay nasusukat, hindi lamang sa salita kundi sa bilis ng gawa, lalo na sa panahon ng sakuna.
Sabi nga ni Mayor Isko Moreno Domagoso, walang tulugan ang gobyerno ngayon sa Maynila kaya makakaasa ang mga Manilenyo na may mga kikilos na mga lingkod-bayan para tugunan ang mga pangangailangan ng mamamayan sa anomang pagkakataon.
Biro pa nga niya sa mga pumupuna sa kanyang walang tulugang gobyerno, hindi bale raw walang tulog kaysa walang gising na tila naging pamantayan ng kasalukuyang Director ng Manila Department of Social Welfare na si Director Jay Reyes Dela Fuente.
Nito kasing nagdaang bagyong Uwan, Sabado pa lang ng Nobyembre 8 ay maghapon ng naging abala si Dela Fuente, kasama ang mga kawani ng MDSW, sa paghahanda ng mga pangunahing pangangailangan sa 27 evacuation centers na posibleng puntahan ng mga pamilyang maaapektuhan ng super typhoon.
Personal na minonitor ni Dela Fuente ang mga itinakdang evacuation centers upang masiguro na maayos ang pagkakapwesto ng disaster tents, food boxes, at iba pang gamit na kakailanganin sa pagtugon sa mga maapektuhan ng bagyo.
Hindi nagkamali si Dela Fuente dahil madaling araw pa lang ng Linggo ay iniutos na ni Yorme Isko sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Office ang puwersahang paglilikas sa mga pamilyang naninirahan sa mga dalampasigan sa baybayin ng Manila Bay at inatasan siyang ihanda na ang mga pangunahing pangangailangan ng mga bakwit, kabilang ang pagkain at relief goods.
Ang mabilis at maagap na aksyon ni Dela Fuente sa ganitong mga uri ng sakuna ang nakapagpabilib sa karamihan ng kanyang mga kawani ng MDSW dahil hindi lamang siya “hands on” sa trabaho na iniatang sa kanya kundi may kaakibat itong malasakit.
Hindi lang kasi sa panahon ng kalamidad abala si Dela Fuente kundi sa pagsasagawa ng operasyon sa buong Maynila tulad na lamang ng rescue operation sa street dwellers, mga batang namamalimos sa iba’t ibang kalsada sa Maynila at kung ano-ano pa.
Dahil sa kasipagan at dedikasyon ni Dela Fuente, “deserve” o nararapat lang na makatanggap ang kanyang tanggapan ng pagkilala dahil kamakailan lamang ay pinagkalooban ang kanilang tanggapan ng pagkilala mula sa DILG-National Capital Region sa maayos at mabilis na aksyon.
Dahil sa mga tinanggap na parangal, pinuri ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang “walang tulugang” pamamahala nina MDSW Dir. Jay Dela Fuente na sumasalamin sa mas malawak na hangarin ng mahusay, may malasakit, pagpapahalaga, at pananagutan sa pamamahala.






