MANILA, Philippines – Nabulabog at pinigilan ang mga taong nagtutungo sa isang Food Park matapos makatanggap ng ulat ang pulisya tungkol sa umano’y itinanim na bomba sa Brgy. Paradahan 1, Tanza, Cavite.
Ayon sa pulisya, dalawang mensahe mula sa Facebook ang natanggap:
Unang mensahe mula kay alyas Sebastian, 19, bandang 12:37 ng hapon kamakailan, na nagsasabing: “Mamayang 3 PM, may sasabog na bomba sa Food Park Paradahan 1, naka-itim na bag iiwan sa loob ng food park.” Ang mensahe umano ay nagmula sa isang Leo Valdez.
Ikalawang mensahe ay natanggap naman ni alyas Sarah, Barangay Clerk ng Paradahan 1, bandang 12:21 ng hapon mula kay Dan Dan, na nagbabala rin tungkol sa posibleng pagsabog sa Food Park sa alas-3 ng hapon.
Mabilis na rumesponde ang pulisya sa nasabing lugar.
Sa oras ng ulat na ito, wala namang naganap na pagsabog at ligtas ang lahat. (Margie Bautista)