Home OPINION ‘FOOD DELIVERY’ DAPAT FREE!

‘FOOD DELIVERY’ DAPAT FREE!

ANG kontrobersyang bumabalot sa docu-film na “Food Delivery: Fresh from the West Philippine Sea” ay hindi lang tungkol sa naunsyaming pagpapalabas nito. Para sa isang mamamahayag na tulad ko, tinitingnan ko ito bilang usapin sa pagitan ng kapangyarihan ng katotohanan at ng pwersang gustong hadlangan ito.

Ang dokumentaryo, na tumatalakay sa walang katapusang paghihirap ng mga Pilipinong mangingisda at sundalo laban sa panggigipit ng China, ay nakatakdang ipalabas sa CinePanalo Film Festival. Pero ilang araw bago ipalabas, bigla na lang itong kinansela nang walang malinaw na paliwanag, at tanging “external factors” ang idinahilan ng organizers.

Nagbunsod marahil ito ng galit mula sa maliit na grupo sa sektor ng paggawa ng pelikula at media, pero ito ang sa palagay ko ay interesante para sa publiko: ang tanong kung sino, sa partikular, ang nangangambang maipalabas ito.

Imagine ang iniisip ng direktor sa ngayon. Posibleng halo-halo ang emosyon ni Ruth Villarama nang magpasya siyang gawin ang dokumentaryong ito tulad ng isang mamamahayag. Bilang isang dokumentarista, naramdaman niya marahil ang pag-iisa — hindi bahagi ng mainstream media, pero hindi rin kabilang sa industriya ng pelikula.

Ibig sabihin, dahil wala siyang aktwal na kinabibilangan, hindi rin siya saklaw ng proteksyon at suporta ng maimpluwensyang personalidad mula sa parehong industriya — silang mga dapat maninindigan para sa kanya at sa kanyang proyekto, para man ito sa kapakanan ng lipunan o alang-alang sa sining.

Gayunman, sa kabila ng pressure at pag-iisa, matatag ang paninindigan ng direktor. Bakit? Dahil naniniwala siyang ginawa niya ang obra para sa bayan. Ang pelikula, batay sa kwento at titulo nito, ay layuning ipaalala sa mga Pilipino ang taglay nilang lakas tuwing nagbubuklod-buklod. Dahil naniniwala siya rito — ang lumaban, hindi sa marahas na paraan, kundi gamit ang ‘soft power’, at hindi natitinag na lohika. Tiwala akong i-assume ito para sa kanya, walang puwang ang magkompromiso.

Gaya ng binanggit ko sa aking naunang kolum, dapat na pinag-isipan ng Puregold — ang kompanyang naglunsad ng film festival — ang mga opsyon nito at pinili ang pinaka-safe na ruta. Pero ligtas para kanino? Kung kaya ng China na i-pressure ang isang malaking kompanya para mapasunod ito, ano na lang ang magiging tingin nila sa ating lahat?

Kaya naman sa puntong ito, at walang halong exaggeration, sa palagay ko ay tama lang na paimbestigahan natin sa Senado ang nangyari.7 Dapat na igiit ng mga mambabatas ang kasagutan sa ilang katanungan: Bakit ayaw ipanood ng Puregold sa publiko ang pelikula? Kung hindi ito umaakma sa interes ng brand, bakit hindi na lang nito bitawan ang rights sa pelikula at hayaan na lang kung maipalabas ang dokumentaryo?

O may mas malalim bang dahilan sa pananahimik na ito — isang bagay na mas delikado kaysa simpleng pag-iingat ng kompanya?

Para sa gobyerno, isa itong pagsubok sa paninindigan nito. Para sa mga Pilipino, isa itong pagsubok sa ating kagustuhan. Kung ang isang pelikula tungkol sa ating karagatan at sa ating mamamayan ay masyadong delikado para isapubliko, dapat tayong magtanong: Sino ba talaga ang may hawak ng kapangyarihan sa bansang ito? At kung ang sagot ay tayo, panahon nang igiit natin na maipalabas ang pelikulang ito sa tahanan ng bawat pamilyang Pilipino.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.