Home OPINION DEKLARASYON NG PAMPANGA BILANG “CULINARY CAPITAL” NG BANSA, VINETO NI PBBM, WALA...

DEKLARASYON NG PAMPANGA BILANG “CULINARY CAPITAL” NG BANSA, VINETO NI PBBM, WALA UMANONG PANGKASAYSAYANG BASEHAN

MULING ginamit ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. ang kanyang “veto power” sa enrolled bill na naglalayong ideklara ang lalawigan ng Pampanga bilang “culinary capital” ng bansa.

Sa kanyang veto message na ipinadala sa pamunuan ng Kongreso, sinabi ni Pangulong BBM na bagamat maganda ang hangarin ng mga may-akda ng panukala, hindi niya maaaring isantabi ang kawalan ng pangkasaysayang basehan ng pagkilala, kakulangan ng masusing pag-aaral, at pagsakit ng damdamin ng iba pang mga lalawigan na kapwa ipinagmamalaki ang kani­lang kontribusyon sa kultura sa pagkain.

Naniniwala ang Pangulo na magdudulot ng negatibong im­plikasyong kultural, regional bias, at pagkawala ng pagkakaiba-iba sa kultura ang solong deklaras­yon sa isang partikular na lugar bilang nagtataglay ng masasarap na pagkain.

Sinuportahan naman ni UNES­CO National Commission Secretary General Ivan Henares ang naging pag-veto ng Pangulong BBM, at umaasa siyang mauunawaan ng mga Kapampangan ang rasyunal na dahilan sa aksyon ng Malacañang Pa­lace.

Nais lamang nga raw ng Pa­ngulo na ipakita na isang diverse na kultura ang Pilipinas, at walang iisang rehiyon ang maaaring mag-angkin na sila ang may pinakamagaling na pagkain.

Bago pa man ang panuka­lang opisyal na pagkilala, matagal nang kilala ang Pampanga sa kanilang masasarap at malilikhaing putahe. Isa na rito ang Angeles City na bantog sa sisig at noong 2024 ay kinilala bilang “Asia’s best emerging culinary city destination” sa World Culinary Awards na ginanap sa Dubai, United Arab Emirates.

Ilan sa mga kilalang putahe na mula sa lalawigan ang adobong itik, bringhi (paella), bulang­lang Kapampangan, kamaru, lengua, nasing biringyi, pindang (tocino), sipo egg, sisig at marami pang iba.

Ang pagkilala sa masasarap na pagkain ng Pampanga ay inapru­bahan ng House of Representatives sa ilalim ng HB No. 10634 na iniakda ng mga kong­resistang sina Anna York Bondoc, Carmelo Lazatin II, senior deputy speaker Aurelio Gonzales, Jr., at dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Si re-electionist senator Li­to Lapid naman ang nagsulong sa Senado sa pamamagitan ng Senate Bill No. 2797 na sinang-ayunan noong December 2024.

Maliban sa Pampanga, sikat din ang mga pagkain mula sa Ilocos region, Pangasinan, Bico­lano, Visayan, Chavacano, at Ma­ranao.