Nakatanggap ng matinding suporta si Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. mula sa mga taga-Pangasinan sa kanyang tatlong araw na kampanya mula Marso 18 hanggang 20. Direktang nakipag-ugnayan siya sa mga komunidad upang ipahayag ang kanyang mga nagawa bilang mambabatas at patuloy na paglilingkod sa bayan.
Noong Marso 18, nakipagpulong siya sa mga senior citizens sa Pozorrubio, itinatampok ang Expanded Centenarians Act (RA 11982) na nagbibigay ng P10,000 sa mga edad 80, 85, 90, at 95. Nakipagkita rin siya sa mga opisyal ng barangay at SK sa Villasis upang ipahayag ang suporta sa panukalang batas na magpapalawig sa kanilang termino. Isang motorcade ang isinagawa sa iba’t ibang bayan, na nagpamalas ng matibay na suporta ng mga Pangasinense sa kanya.
Noong Marso 19, nakipagpulong si Revilla sa mga opisyal ng barangay sa Lingayen at Mangatarem upang talakayin ang reporma sa pamamahala, binibigyang-diin ang pangangailangan ng mas mahabang termino para sa mas epektibong mga programa. Isang motorcade sa Dagupan City ang muling nagpakita ng mainit na pagtanggap ng publiko.
Noong Marso 20, dumalo siya sa Crops and Fisher’s Day sa Alaminos City, kinikilala ang mahalagang papel ng mga magsasaka at mangingisda sa seguridad sa pagkain. Itinampok niya ang kanyang adbokasiyang Pagkain sa Bawat Hapag, na naglalayong palakasin ang suporta sa sektor ng agrikultura at pangisdaan.
Pinagtibay ni Revilla ang kanyang pangakong maglingkod sa bayan, aniya, “Ang tunay na lider, hindi lang nangangako—tumutupad, kumikilos, at hindi nang-iiwan.” RNT