MANILA, Philippines – Lilimitahan lamang sa mga lugar na nakararanas ng mataas na presyo ng bigas ang deklarasyon ng food security, nilinaw ng Department of Agriculture (DA) nitong Sabado, Pebrero 1.
Ayon kay DA Spokesperson Asec. Arnel de Mesa, ang emergency declaration ay batay sa Republic Act (RA) 12078, na nag-aamyenda sa Rice Tariffication Law.
“Base kasi sa RA 12078 ay mag-intervene tayo doon sa mga lugar na may matataas, o nararanasan yung extraordinary presyo ng bigas so doon lang din mag-iintervene ang NFA … Kung mababa naman yung presyo sa ganitong lugar, di naman yun tinitignan,” ani De Mesa sa panayam ng Radyo 630.
Ang batas ay nagbibigay ng kapangyarihan sa agriculture secretary na magdeklara ng food security emergencies sa mga lugar na may shortage sa suplay ng pagkain o mataas na presyo nito.
Nitong Biyernes, sinabi ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ang pamahalaan ay maaaring magdeklara ng rice emergency sa Martes kasunod ng paglalabas ng National Price Coordinating Council ng resolusyon na irekomenda ang emergency dahil sa “extraordinary increase” sa presyo ng bigas.
Sa ngayon ay sinusuri pa nila ang pinal na desisyon ng mga lugar na maaapektuhan ng deklarasyon.
“Ang pangunahing una na titignan, yung mga key cities at metropolitan areas natin,” dagdag ni De Mesa.
Sa ilalim ng rice emergency declaration, ang rice stocks ng National Food Authority (NFA) ay ibebenta sa mga ahensya ng pamahalaan at local government units ng P36 kadakilo at sa mga consuemr ng P38 kada kilo.
Nauna nang siniguro ni Laurel sa publiko na ang NFA ay mayroong 300,000 tonelada ng stock na handang ilabas.
Ang mga stock ng bigas na ito ay may maayos umanong kalidad, well-maintained at visually appealing. RNT/JGC