MANILA, Philippines – Naghain ng panukala si Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson ng isang panukalang batas sa national land use policy na magpapalakas sa sustainable development, integridad ng kapaligiran, paghanda sa sakuna, seguridad sa pagkain at tubig, at pantay-pantay na access sa lupa.
Sa Senate Bill 400 na may titulong “National Land Use Act of the Philippines,” nais din ni Lacson na magkaroon ng isang National Land Use Commission na magtatag ng polisiya at magsasagawa ng koordinasyon.
“The proposed National Land Use Act represents a significant legislative effort to bring order and coherence to land use planning and management in the Philippines. The emphasis on sustainable development, and protection of critical resources mandates a long term vision for resource stewardship. If enacted, this legislation would provide a robust legal framework to guide development, enhance food and water security, mitigate disaster risks, and promote equitable and inclusive growth across the archipelago,” aniya sa kanyang panukala.
Dagdag ni Lacson, hinihikayat ng mga detalyadong depinisyon at proseso sa panukala niya ang “data-driven, participatory, and legally enforceable” na desisyon sa paggamit ng lupa.
Kasama din sa panukala ni Lacson ang probisyon para sa pagprotekta sa mga ancestral domain, prime agricultural land, at critical habitat.
Nilalaman ng panukala ang patnubay para sa pangangasiwa ng lupang agrikultural, gubat, mga coastal zones, mineral land, energy resource land, settlements development, industrial development area, tourism development and heritage areas, at infrastructure development.
Inaatasan din nito ang “sustainable land use education” sa kurikulum mula elementarya hanggang kolehiyo, at pambansang “education information campaign” para sa paggamit ng lupa at pagpaplano.
Sa panukala ni Lacson, magkakaroon ng National Land Use Commission (NLUC) na mangangasiwa sa paggamit ng lupa. Bibigyan nito ng mahalagang papel ang mga local government unit sa lokal na pagpaplano.
Ang NLUC ay magiging komisyon sa ilalim ng Office of the President at papalitan ang NEDA Board–National Land Use Committee.
Ang Pangulo ang magiging chairman ng NLUC. Ang pinuno ng Department of Economy, Planning and Development (DepDev, dating NEDA) at Environment secretary ang magiging
Ang mga pinuno ng DHSUD, Department of Agriculture (DA), Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Transportation (DOTr), Department of Tourism (DOT), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Justice (DOJ), Department of Science and Technology (DOST), Department of Finance (DOF), Department of Energy (DOE), at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ay maaaring mag-designate ng kinatawan.
Magkakaroon din ng kinatawan ang NLUC mula sa Leagues of Provinces, Cities and Municipalities; urban poor, farmer-peasants, fisherfolk, at indigenous peoples; private subdivisions at housing developers; at accredited association of professionals na may kinalaman sa land use.
Magbibigay ng payo ang NLUC sa Pangulo at NEDA board tungkol sa paggamit ng lupa at pagpaplano; mag-integrate ng batas na may kinalaman sa paggamit ng lupa; gagawa ng polisiya at iendorso ang polisiya ng Regional Land Use Policy Council (RLUPC).
Ito rin ay magiging repository ng RPFPs, PPFDPs and CLUPs at lahat ng datos na may kinalaman sa lupa at paggamit nito.
Tungkulin din nito ang resolbahin ang policy conflicts at territorial jurisdiction sa paggamit ng lupa.
Magiging core secretariat ng NLUC ang Policy and Planning Unit ng DHSUD.
Ang paggamit ng lupa at ang proseso ng pagpaplano ay gagamit ng bottom-up at top-down approach. Dito ay gagawa ang NLUC ng 30-taong National Physical Framework Plan (NPFP).
Ang mga plano sa regional at provincial levels, at ang Comprehensive Land Use Plans (CLUPs), ay susunod sa national physical framework plan.
Ang City at Municipal Planning and Development Office (C/MPDO), ang maghahanda ng CLUP.
Ihahanda naman ng Provincial Planning and Development Office (PPDO) ang Provincial Physical Framework and Development Plan (PPFDP).
Samantala, ang Regional Land Use Policy Council (RLUPC) ang magko-consolidate ng provincial physical framework plans.
National Base Mapping Program
Magkakaroon ng national mapping program sa pamamagitan ng Inter-agency Technical Committee (ITC) na binubuo ng NAMRIA bilang lead agency, Bureau of Soils and Water Management (BSWM), Forest Management Bureau (FMB), Land Management Bureau (LMB), Land Registration Authority (LRA), Protected Areas and Wildlife Bureau (PAWB), Mines and Geosciences Bureau (MGB), Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), DAR, National Water Resources Board (NWRB), DOE, NEDA, at ibang ahensya.
Dapat matapos ang base mapping program sa loob ng dalawang taon.
Magkakaroon ng nationwide geo-hazard mapping program sa pamamagitan ng NLUC ang PHIVOLCS, Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), NAMRIA, MGB, BSWM, at DOE. Makikipagugnayan sila sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC), at ibang ahensya.
Dito ay mabubuo ang indicative geo-hazard zoning maps na tutukoy sa lugar na maaaring magkaroon ng liquefaction, landslide, severe flooding, lahar, ground rupturing, tsunami, river erosion, coastal erosion, sinkhole collapse, earthquake, lava flow, pyroclastic flow, base surge, at ibang natural hazards.
Isasama ng mga LGU ang mga geo-hazard zoning maps sa kanilang CLUP, at sa paghanda ng sarili nilang hazards-constrained development plans.
Insentibo at Parangal
Gagawa ang NLUC ng insentibo at parangal sa mga LGU na nag-u-update ng kanilang CLUP. Ipa-prioritize ang mga siyudad at bayan na may CLUP sa pagbigay ng technical assistance tungkol sa land use management at pagpapatupad ng development plans.
Parusa
Ang landowner at designated developer o kinatawan na hindi magsimula o mabuo ang development ng agricultural lands na may approved order of conversion ay paparusahan.
* Kung hindi makasimula sa loob ng isang taon matapos lumabas ang conversion order: 6% ng zonal value ng lupa sa unang tatlong ektarya; 15% ng zonal value ng lupa sa susunod na tatlong ektarya; 30% ng zonal value ng natitirang area. Ang order of conversion ay babawiin at ang lupa ay babalik sa orihinal na agricultural use.
* Kung hindi makumpleto ang 50% ng approved conversion plan: 50% ng zonal value ng lupa at pagbawi ng conversion plan sa undeveloped na bahagi, na muli magiging agricultural land.
* Kung makatanggap sila ng notice sa DAR, ang mga ahensya at ang siyudad o bayan ay magre-revoke ng development permit at ibang lisensya para i-develop ang agricultural land na sasailalim sa conversion.
Kabilang sa mga parusa sa hindi paggawa o pagpapatupad ng CLUPs, na iimbestigahan ng DILG, ang:
* Kung ang lumabag ay opisyal o empleyado ng gobyerno, maaari ma-forfeit ang sahod nito, at masuspindi ng anim hanggang siyam na buwan paa sa non-implementation ng CLUP; o tatlo hanggang anim na buwan, sa non-completion ng CLUP.
Ang mga kasangkot sa illegal conversion ay makukulong ng pito hanggang 12 taon, at/o multa na P100,000. Kung ito ay opisyal o empleyado ng gobyerno, kabilang sa parusa ang permanent separation from the service at forfeiture ng benepisyo, at perpetual disqualification from public office.
Ang sinumang sangkot sa reclassification ng protected agricultural areas para gawing nonagricultural ay paparusahan ng 12 taong kulong at/o multang P100,000.
Samantala, ang qualified beneficiaries na apektado ng agricultural land use conversion ay maaaring tumanggap ng disturbance compensation na katumbas ng “five times the average of the gross harvests on the landholding during the last five preceding calendar years or a certain percentage of the converted land, whichever is higher, as determined by the DAR.”
Oversight at Review
Magkakaroon ng Congressional Oversight Committee para i-monitor ang pagpapatupad ng batas. Magkakaroon ito ng pitong miyembro mula sa Senado at pito mula sa Kamara.
Rerepasuhin ng mga probinsya, siyudad at bayan ang kanilang land use plan para tumugma sa pamantayan ng batas na ito. Ernie Reyes