MANILA, Philippiens – Binatikos ni Vice President Sara Duterte ang foreign policy ng administrasyong Marcos, iginiit na inilalagay nito ang Pilipinas sa gitna ng tunggalian ng Estados Unidos at China.
Sa kanyang mensahe bago inanunsyo ang kanyang planong pagtakbo sa pagkapangulo sa 2028, humingi ng paumanhin si Duterte sa mga Pilipino kaugnay ng umano’y kawalan ng malinaw at tunay na independent foreign policy.
“Patawad kung wala tayong malinaw at tunay na independent foreign policy (I apologize if we do not have a clear and real independent foreign policy),” ayon kay Duterte.
“Kung kaya’t tila tayo’y naiipit sa tunggaliang namamagitan sa mga super powers tulad ng Tsina at Estados Unidos (That’s why it seems like we’re stuck in the middle of rivalries between the superpowers, such as China and the US),” dagdag pa niya.
Gayunman, paulit-ulit nang iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang kanyang administrasyon ay nagsusulong ng independent foreign policy at hindi pumapanig sa alinmang bansa sa tunggalian ng US at China.
Pinalakas ng Pilipinas ang military alliance nito sa Estados Unidos sa gitna ng agresyon ng China sa West Philippine Sea, habang pinananatili rin ang people-to-people at cultural ties sa China, na kapwa nagsasabing hindi lamang umiikot sa territorial dispute ang kabuuang relasyon ng dalawang bansa. Santi Celario