MANILA, Philippines – Pinalawig pa ng hanggang sa katapusan ng Hulyo ang forensic examination para sa mga gadget at iba pang gamit na nakumpiska mula sa isang Chinese national sa Makati City noong Mayo.
Sa July 2 order nitong Huwebes, Hulyo 4, inaprubahan ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 90 ang mosyon na palawigin ang oras na inihain ng Criminal Investigation and Detection Group – National Capital Region (CIDG-NCR) para maipadala ang computer data mula sa mga kagamitan na nakumpiska mula sa suspek na si Yuhang Liu.
Kabilang dito ang tatlong mobile phones, isang radio receiver/transmitter, isang Huawei router, isang Apple tablet, Honor laptop, aerial drone, inverter unit, computer central processing unit, at iba pang computer accessories.
Ang orihinal na warrant para suriin ang computer data ay inisyu ng korte na valid lamang sa loob ng 10 araw at mapapaso na sana ngayong araw.
“Considering the large number of mobile devices recovered from the place (of) arrest of Yuhang Liu, the court finds it justifiable to grant an extended period of examination. Given an extension period of 30 days from July 1 or until July 31, 2024 within which to submit the final report on the result of the examination on the computer data,” sinabi ni RTC Branch 90 Presiding Judge Maria Zoraida Zabat-Tuazon sa two-page order.
Ani CIDG chief Maj. Gen. Leo Francisco, kasalukuyang naka-ditene sa CIDG-NCR ang suspek at nakatakdang ilipat sa PNP Custodial Center sa Camp Crame kapag naglabas na ng kautusan ang korte.
Si Liu ay inaresto nooong Mayo 29 sa Barangay San Isidro dahil sa reklamo ng pantututok ng baril.
Ayon sa complainant, pinilit siya ni Liu na ideliver ang hindi tukoy na communication hacking devices sa bahay ng suspek.
Ang kagamitang ito ay ilalagay sa vital installations para ma-hack o mapasok ang access international mobile equipment identity ng mga cellphone. RNT/JGC