Home NATIONWIDE Mga magsasaka naghain ng petisyon vs EO sa pagpapababa ng taripa sa...

Mga magsasaka naghain ng petisyon vs EO sa pagpapababa ng taripa sa bigas

MANILA, Philippines – Naghain ng petisyon ang grupo ng mga magsasaka sa Korte Suprema na nagdedeklara sa executive order (EO) na nagpapababa sa taripa sa imported na bigas at iba pang produkto bilang unconstitutional.

Sa 27-pahinang petition for certiorari, hiniling ng mga petitioner na Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), Federation of Free Farmers (FFF), United Broiler Raisers Association, Sorosoro Ibaba Development Cooperative, at dating Magsasaka Party-list representative Argel Cabatbat sa Korte Suprema na maghain ng temporary restraining order para mapigilan ang implementasyon ng EO 62.

Hiniling din nito sa SC na ideklarang null at void at unconstitutional ang kabuuan ng kautusan.

Ang mga respondents sa petisyon ay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Executive Secretary Lucas Bersamin, National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, at Tariff Commission Chairperson Marilou Mendoza.

“We do not question the delegated power of the president to issue EO in so far as tariff is concerned, but the exercise in the issuance of the EO 62 is illegal, invalid, and unconstitutional dahil walang naganap na investigation required mismo ng batas,” ayon kay Atty. Virgie Lacsa Suarez, legal counsel, sa isang panayam.

Wala pang tugon ang Malacañang at NEDA kaugnay nito.

Matatandaan na ang EO 62 na pinirmahan ng Pangulo noong Hunyo ay nagpapababa sa tariff rates para sa mga bigas sa 15% mula sa dating 35%.

Dahil dito, bababa rin ang presyo ng imported na bigas ng P6 hanggang P7 ayon sa Department of Agriculture.

Sa apela ng mga petitioner, sinabi ng mga ito na ang kautusan ay lumalabag sa mga kondisyong itinakda sa Flexible Clause of Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.

Hindi rin nila alam na nagsagawa ng mga pagdinig o imbestigasyon ang Tariff Commission para pababain ang taripa sa mga bigas at iba pang agricultural products.

“The delegated power of the President to issue EO on matters of tariff, specially that involves reduction of tariff is limited and conditioned by the procedure mentioned in the Flexible Clause of RA 10863 and the very procedure promulgated by the Tariff Commission,” saad sa petisyon.

“For violating such limitations and conditions, sans compliance with due process, the EO 62 must be declared invalidly issued,” dagdag pa.

Ginagawa rin lamang umano ng EO na ito na gawing dependent ang ekonomiya ng bansa sa importation at labag sa state policy na gawig self-reliant at magkaroon ng independent national economy ang bansa.

“The issuance of EO 62 does not make our farmers more competitive; rather it is a threat to our farmers and fishers and to the entire economy. Instead of protecting and supporting our farmers, EO 62 exposes our very own food producers to unfair foreign competition,” pagpapatuloy ng petisyon.

“By that time, syempre, bagsak na ‘yung presyo ng palay. At saka hindi tayo nakakasiguro, hindi nakakasiguro that the review will result in a, ibalik ‘yung tariff rate,” ayon kay FFF chairman Leonardo Montemayor.

Nababahala naman si Cabatbat sa kondisyon ng mga magsasaka.

“Kung babagsak pa ulit lalo ang presyo ng bigas, ng palay, tapos bubuhos na naman ang dami ng imported na bigas, ang kinakatakot natin baka mag increase na naman ang suicide rates ng mga magsasaka,” aniya.

Nauna nang sinabi ni Balisacan na ang desisyon na pababain ang tariff rates ay hindi ginawa ng basta-basta at patuloy na susuporta ang pamahalaan sa mga magsasaka. RNT/JGC