MANILA, Philippines – Tiniyak ng Bureau of Corrections na walang mga jail facility ang itatayo sa 270-ektaryang lote na legal nitong pagmamay-ari sa Masungi Georeserve sa Tanay, Rizal.
Gayunpaman, sinabi ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang, na kailangang magtayo ng detachment facility para sa mga forest rangers.
“Kailangang itayo ang detatsment para sa mga tanod sa kagubatan upang masiguro ang loteng nasa ilalim ng ating nasasakupan at mayroon tayong obligasyon at responsibilidad sa pangangalaga ng lugar bilang bahagi ng pambansang pamana at tayo ay kaisa ng mamamayang Pilipino sa pangangalaga ng ating likas na yaman,” ani Catapang sa isang pahayag.
Inilabas ng BuCor ang pahayag matapos hilingin ni Sen. Loren Legarda sa ahensya na iwasang magtayo ng mga establisyimento sa lugar.
“Tiniyak ng Bucor chief sa butihing senador na ang Bucor sa patnubay ni Justice Secretary Crispin Remulla ay nakatuon na hindi gagamitin ang ari-arian ng Masungi para sa anumang layunin na makakaapekto sa ekolohiya at pagpapanatili ng lugar,” sabi ng BuCor sa pahayag.
Binanggit ng BuCor na ang 270 ektaryang ari-arian sa Masungi ay iginawad sa bureau nang nilagdaan ang Proclamation No. 1158 noong 2006 ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Nagdagdag si Catapang ng 20 hanggang 30 ektarya mula sa 270 ektarya na “vacant spaces” sa ilalim na bahagi ng Masungi ay gagamitin para sa detatsment nang hindi nakakagambala sa tanawin ng lugar. RNT