Home ENTERTAINMENT Ali, news anchor na sa TV!

Ali, news anchor na sa TV!

Manila, Philippines – Ipinakilala na kamakailan bilang bagong co-anchor ang isa sa mga premyadong pangalan sa larangan ng pagbabalita, si Ali Sotto!

Kasama ang isa pa sa mga hinahangaang brodkaster ng bansa na si Alex Santos, si Ali ay makakasabay nito sa paghahatid ng patas, wasto at pinakamainit na balita at impormasyon gabi-gabi sa Mata ng Agila Primetime.

Matapos gumawa ng pangalan bilang sikat na aktres at mang-aawit sa bansa, itinuturing si Ali bilang ilan lamang sa mga personalidad na napagtagumpayang mamayagpag bilang multi-awarded na news anchor at host ng mga kilalang news and public affairs na mga programa sa telebisyon at sa radyo.

“Matagal ko nang hinihintay na makatrabaho ko si Alex. Basta ako, katuwang mo ako, kakampi mo ako tuwing alas-6 hanggang alas-730 ng gabi, Monday to Friday- ang Santos-Sotto, iisa ang adhikain na maghatid ng totoo. Totoong balita at impormasyon sa kanila.” ani Ali.

Nagsimula naman si Alex bilang isang baguhan at batang tv reporter, mamamahayag, news editor at director sa Davao. Dinala siya ng kanyang talento sa mga kilala ring himpilan ng radyo at telebisyon ng bansa. Isa na siya sa mga pinakarespetadong news anchor sa industriya ngayon.

Sa isang sit down interview kasama ni Ali kamakailan, ipinahayag ni Alex ang kanyang pasasalamat sa pagsama ng una sa Mata ng Agila Primetime.

“Maraming salamat Ali at tinanggap mo ang trabahong ito dahil alam kong ang tambalang Alex-Ali ay maghahatid ng totoong balita at inaasahan ko rin na magtatagal ang samahang ito,” sabi ni Alex.

Nang tanungin tungkol sa kanyang saloobin sa pagbabalik sa pagiging news anchor ng isang malaking programa, ito ang nasabi ni Ali: “Tinatanaw ko ito bilang isang napakalaking pribilehiyo, na nabigyan akong muli ng pagkakataon ng ating mga kababayan na muling makapagsilbi sa kanila gabi-gabi. Nagpapasalamat po ako sa tiwala ng NET25 management, nang ako po’y piliin at alukin na makasama ko kayo tuwing gabi sa paghahatid po ng pinakatotoong balita.” JP Ignacio