MANILA, Philippines- Patuloy na magpapadala ng relief goods ang FPJ Panday Bayanihan partylist sa mga pamayanan sa Camarines Norte upang makaagapay sila sa muling pagbangon ng mga pamilya na biktima ng bagyong Kristine.
Magkatuwang ang mag-inang Senator Grace Poe at Brian Poe-Lamanzares, unang nominado ng FPJ Panday Bayanihan Party-list sa pangangasiwa ng relief operation at inaasahang dadalhin ngayong araw ang may 3,000 food packs na ini-repack ng FPJ youth volunteers.
Sinabi ni Brian Poe, inatasan siya ng kanyang inang si Sen. Poe na tiyakin ang pagpapatuloy ng kanilang relief operation upang matulungan ang mga komunidad na makabangon muli sa hagupit ng bagyo.
Ito’y karugtong sa naunang relief operations bilang maagap na pagtugon ng local youth organization sa Camarines Sur na namigay ng lutong pagkain at food packs matapos humupa ang bagyo.
“Ako’y nalulugod sa masikhay na pagkilos ng aming youth volunteers. Mas alam nila ang sitwasyon sa erya at naikasa agad nila ang pamimigay ng ayuda kasunod ng paghahagilap namab namin ng pinansya para sa umagapay sa operasyon ng mga kabataan,” wika ni Brian Poe.
“Ang lahat ng kredito ay nararapat sa aming magigiting na mga boluntaryo gayundin para sa grupong Kabataan sa Kartilya ng Katipunan sa Laguna at ang San Isidro Youth Group sa Camarinas Sur na umagapay sa mga pamilyang nasalanta.”
“Kapuri-puri din ang pagtugon ni Mark Patron, pangalawang nominado ng FPJ Panday Bayanihan, nang pangasiwaan at tumulong sa youth volunteers sa pamamahagi ng relief goods para sa mga biktima ng bagyo mula sa ilang bayan sa lalawigan ng Batangas,” aniya pa.