MANILA, Philippines – Nagpaabot ng pakikiramay ang France at Australia sa Pilipinas kasunod ng sunog sa MV June Aster sa Coron, Palawan na ikinasawi ng limang katao at nag-iwan ng dose-dosenang nawawala.
Sa pahayag, sinabi ng French Embassy in Manila na nakikiisa ito sa mga biktima, kanilang pamilya at lahat ng naapektuhan ng trahedya.
“Our thoughts are with the victims, their families, and all those affected by this heartbreaking tragedy,” bahagi ng pahayag ng embahada.
Nagpaabot din ng pakikiramay si Australian Ambassador to the Philippines Marc Innes-Brown at nagpahayag ng pag-asang matagpuan ang mga nawawala.
Batay sa pinakahuling ulat, may sakay na 134 katao ang MV June Aster, kabilang ang 117 pasahero at 17 crew members, nang masunog ito sa karagatan ng Coron noong Setyembre 9.
Kinumpirma ng Philippine Coast Guard ang limang nasawi habang nagpapatuloy ang search and rescue operations para sa mga nawawala.
Nauna nang naglunsad ang Maritime Industry Authority ng Marine Safety Investigation upang matukoy ang sanhi at mga pangyayari sa insidente. Dave Medina