CALOOCAN CITY, Philippines – Away ng dalawang magkalabang panig ng grupo ng fraternity ang tinitingnang anggulo sa panghahagis ng granada sa isang apartelle at ikasugat ng kahera dito kahapon sa Caloocan City.
Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth, ang mga suspek ay sina alyas “Tugu” at alyas “Bodoy Liit”, 26, matapos positibong kinilalanin ng nakasaksi na kawani ng Fhiolan Apartelle na nasa kanto ng M.H. Del Pilar at 2nd Avenue, Brgy. 120.
Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, alas-2:30 ng madaling araw nang dumating ang mga suspek na sakay ng isang motorsiklo at inihagis ang dalang granada sa parking lot na malapit sa harap ng apartelle bago mabilis na tumakas.
Tinamaan ng sharpnel ang daliri sa kaliwang kamay ng kaherang si alyas “Bhesy” na isinigod kaagad sa pagamutan habang apat na nakaparadang sasakyan din sa parking lot ang nahagip ng sharpnel.
Bago ang insidente, napagalaman na pinagbabato muna ng bote ng mga suspek ang apartelle kayat inatasan ng may-ari nito na si alyas “Aniceto” ang mga kawani na maging mapagbantay.
Napagalaman ng pulisya na “frat war” ang motibo sa insidente dahil miyembro ng Tau Gamma Phi Fraternity si alyas Aniceto habang sa kalabang Magic 5 Fraternity ang dalawang suspek.
Ayon sa pulisya, noong nakaraang buwan ay pinagbabato rin ng bote ng mga suspek ang firetruck na pag-aari ni alyas Aniceto sa J. Theodoro St. Brgy. 120. (Merly Duero)