MANILA, Philippines – Sa isinasagawang transport strike ngayong Huwebes, Marso 19, 2026, iginiit ng transport group na Piston na dapat ay sinuspinde ang VAT at excise tax sa langis, hindi ang taas-pasahe, kasunod ng pagtaas ng presyo ng fuel.
Ito ang pahayag ni Piston president na si Mody Floranda habang sinisimulan ng grupo ang kanilang nationwide transport strike laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Nauna nang iniutos ni Ferdinand Marcos Jr. ang pagsuspinde ng fare hike sa jeepney, bus, airport taxi, P2P, at TNVS, isang araw matapos itong aprubahan ng LTFRB.
Binatikos din niya ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin na lalong nagpapahirap sa mga tsuper, operator, at minimum wage earners.
Samantala, sinabi ni Floranda na inaasahang lalahok ang humigit-kumulang 10,000 miyembro ng Piston sa Metro Manila, kung saan may 20 strike centers.
Suportado rin ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang panawagan na suspindihin ang excise tax. Ayon kay secretary general na si Mong Palatino, posible itong gawin ng gobyerno at dapat ding pag-aralan ang wealth tax at realignment ng pondo mula pork barrel at ill-gotten wealth para sa social services. RNT/MND