MANILA, Philippines- Kumpiyansa ang Alyansa Para sa Bagong Pilipinas senatorial bets na ang buong suporta ni Pangulong Bongbong Marcos ang makakapagpanalo sa kanila sa Metro Manila na may 7.32 million registered voters.
“Kumpiyansa kami sa grupo ng Alyansa na ma-12-0 namin dito sa Metro Manila dahil unang-una, suportado kami ng Pangulo at ang programa ng Alyansa ay para talaga sa mga mahihirap na sambayanang Pilipino, at magkaroon tayo ng trabaho at hanapbuhay ang bawat pamilya,” pahayag ni senatorial aspirant Manny Pacquiao sa ginanap na pressconference bago ang campaign rally na isasagawa sa Cuneta Astrodome.
Ipinaliwanag ni Pacquiao na ang ibinibigay na suporta ni Pangulong Marcos ay “decisive factor” para makuha ng Alyansa ang NCR votes.
Noong 2022 election ay 5.96 million ang bumoto sa NCR, sa nasabing bilang 3.26 Million ang bumoto kay Pangulong Marcos, dahilan para mapanalo nito ang 16 na siyudad, umaasa ang Alyansa bets na ganito rin ang mangyayari sa kanilang Senate slate.
Ipinaliwanag ni senatorial bet Benhur Abalos na kung nagawa ni Pangulong Marcos ang landslide sa NCR ay tiwala syang magagawa din ito ng kanilang team.
Sa panig ni senatorial aspirant Panfilo “Ping” Lacson, sinabi nito na malaki ang naitutulong ni Pangulong Marcos sa voter confidence para sa Alyansa.
“Kami ay nagpapasalamat sa full support ng Pangulong Marcos. Nandito siya every time na may out-of-town event, nandyan siya kasama ang Alyansa, at malaki talagang tulong na maibibigay kapag ang Pangulo mismo ng Pilipinas ay nagbibigay ng kanyang unqualified support,” ani Lacson.
Si Pangulong Marcos ay kasama sa lahat ng naging campaign rally ng Alyansa kasama dito ang Laoag City, Ilocos Norte; Iloilo City; Carmen, Davao del Norte at Pasay City.
Maging si dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III ay nagpahayag din ng kanyang kumpiyansa na makukuha ng Alyansa ang Metro Manila.
“Ako, confident ako kasi malakas ‘yung team namin. Kilala kami sa Metro Manila, alam ‘yung mga nagawa namin. For example, when I became senator in 1992, there were only four cities here: Pasay, Manila, Quezon City, and Caloocan. I converted 10 into cities. Hindi ako naniningil, nagpapaalala lang ako,” ani Sotto.
Maging sina Makati City Mayor Abby Binay at Deputy Speaker Camille Villar ay tiwala din na makakakuha ng malaking boto sa Metro Manila lalo pa at matagal silang nagsilbi sa lungsod.
Para naman kay senatorial bet Francis “Tol” Tolentino, naniniwala ito na ang kanyang pagiging dating Chairman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay makakatulong para makakuha ng boto sa Metro Manila, ipinagmalaki nito na sa ilalim ng kanyang liderato sa MMDA ay nasimulan ang ilang malalaking impraktrakstura kabilang ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) transport hub, MRT-7, Skyway at iba pa.
Aminado si senatorial bet Erwin Tulfo na bagama’t inaasahan nila na malakas ang Alyansa ay hindi naman nila ito dahilan para maging “complacent” kaya naman patuloy pa rin ang kanilang panunuyo sa mga botante at pagpapaliwanag ng kanilang mga plataporma. Gail Mendoza