Home NATIONWIDE Gaming app ginamit sa paniniktik – AFP

Gaming app ginamit sa paniniktik – AFP

162
0
Hacker in data security concept. Hacker using laptop. Hacking the Internet. Cyber attack.

MANILA, Philippines – Ibinunyag ni Roy Vincent Trinidad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na gumamit umano ng gaming app ang ilang kamakailang nahuling espiya upang makipag-ugnayan sa kanilang handlers.

Sa isang news forum nitong Sabado, sinabi ni Trinidad na ginamit ang naturang app upang ipasa ang sensitibong impormasyon nang hindi namo-monitor ng pamahalaan ng Philippines ang kanilang komunikasyon.

Ayon sa ulat, ang mga nahuling suspek ay nagtatrabaho sa Department of National Defense o sa Philippine Navy, habang ang isa naman ay may koneksyon sa Philippine Coast Guard.

Ipinaliwanag ni Trinidad, na spokesperson ng AFP para sa West Philippine Sea, na gumagamit ng special gaming app ang mga espiya kung saan kailangan lamang maglagay ng prompt o password upang maging communication app ito.

“May special gaming app, tetris, na nandoon naka-embed ang communications nila, may ipa-prompt ka lang dun, ipapasok mo ang password, magiging communication app siya,” saad ni Trinidad.

“Specifically designed yung gaming app na yun na naka-embed sa kanya ang communications capability,” dagdag niya.

Dahil dito, nanawagan ang National Security Council (NSC) sa iba pang ahensya ng gobyerno na palakasin ang vetting process, lalo na sa mga opisina na humahawak ng sensitibong impormasyon.

Ayon naman kay Francel Margareth Padilla, tagapagsalita ng AFP, patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang mga spy activity na iniuugnay sa China.

Gayunman, hindi pa niya kinumpirma kung may iba pang kaso na iniimbestigahan.

“As I said, this is an operational matter. So we usually give the details as soon as we have more. Kapag meron na tayong solid and conclusive evidences, nilalabas naman natin yan. Part yan ng ating transparency initiative,” aniya.

Samantala, itinanggi ng Embassy of China in Manila ang mga paratang ng espionage. Ayon sa kanila, sinusunod ng China ang prinsipyo ng “non-interference” sa mga panloob na usapin ng ibang bansa at sinabi nilang malisyoso at nakakasira sa reputasyon ng China ang mga akusasyon. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here