MANILA, Philippines – Nangako ang lokal na pamahalaan ng Maynila nitong Sabado, Enero 4, na tutugisin at pananagutin nito ang dating garbage collector na nagpabaya sa trabaho na kumolekta ng basura noong holiday season.
Sa pahayag ni Mayor Honey Lacuna, binatikos nito ang Leonel Waste Management Corporation sa pag-abandona sa garbage collection responsibilities kasabay ng 400-percent surge sa waste volume sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
“Rest assured, I will not let this sabotage pass and those responsible will be held accountable,” ani Lacuna.
Aniya, ang dalawang kompanyang MetroWaste at PhilEco Systems Corporation ang kasalukuyang kumukulekta ng mga basura sa mga kalsada ng Maynila.
Siniguro ng alkalde sa mga residente na mapananagot ang mga nagpabaya.
“We will address the negligence of the previous garbage collector. Now, we have two contractors, MetroWaste and PhilEco, ensuring that the city is cleaned efficiently,” dagdag ni Lacuna.
Hinimok niya ang mga residente na iulat ang anumang hindi nakolektang mga basura sa Department of Public Services and Task Force Against Road Obstruction ng lungsod.
Ani Lacuna, minamadali na ng PhilEco Systems Corporation at MetroWaste ang pagkolekta sa mga natambak na basura. RNT/JGC