MANILA, Philippines – Sinabi ni Ako Bicol Party-list Representative Alfredo Garbin Jr. na marami pang isisiwalat si Zaldy Co pagbalik sa Pilipinas matapos maaresto sa Prague, Czech Republic.
“I expect that he will tell all,” ani Garbin.
Sinabi ng mambabatas na si Co, key personality sa mga anomalya sa flood control projects, ay dapat din na dumaan sa due process.
“Marami pa siyang hindi nasasabi. In due time and affording him due process under our law, then lahat masisiwalat niya,” sinabi ni Garbin.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi naman ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na maaaring makapagbigay si Co ng mas marami pang impormasyon tungkol sa maanomalyang flood control projects sa bansa.
“Mabibigyan din siya ng pagkakataong harapin ang mga kasong nakasampa sa kanya sa Sandiganbayan.”
Matatandaan na inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Huwebes ng gabi, Abril 16 ang pagkakaaresto kay Co sa Prague.
“Nahuli na si Zaldy Co. He is now detained in Prague after crossing into the Czech Republic without proper documentation and is currently in the custody of Czech authorities,” ayon sa Pangulo. RNT/JGC