Home NATIONWIDE Garin, nagbabala laban sa ‘panic’ matapos ng pagkamatay ng bata sa deworming...

Garin, nagbabala laban sa ‘panic’ matapos ng pagkamatay ng bata sa deworming drive sa Cavite

1
0

MANILA, Philippines – Nagbabala si Deputy Speaker at dating health secretary Janette Garin laban sa pagpapanic ng publiko matapos iugnay ang naiulat na pagpanaw ng isang bata sa Cavite sa school deworming program, at binigyang-diin na hindi dapat gumawa ng anumang konklusyon nang walang buong medikal na imbestigasyon.

Ayon kay Garin, ang naturang insidente ay maaaring magdulot ng takot na posibleng sumira sa isang mahalagang programa sa pampublikong kalusugan kung hindi agad kikilos at magpapaliwanag ang mga awtoridad.

“Kapag hindi agad nasasagot, nagdudulot ito ng takot na maaaring makaapekto sa buong programa,” pahayag ni Garin, sabay babala na ang maling impormasyon ay maaaring magpahina ng loob ng mga magulang na payagang mapurga ang kanilang mga anak.

Iginiit pa ni Garin na sa pangkalahatan ay ligtas ang mga gamot sa deworming at hindi kilalang nagiging sanhi ng mga malalalang kondisyon tulad ng septic shock.

“Sa pagkakaintindi ko, ang gamot na pampurga ay hindi naman nagdudulot ng septic shock,” ani Garin.

Idinagdag pa nito  na ang mga naiulat na sintomas gaya ng panginginig at hirap sa paghinga ay nagpapakita ng pangangailangang suriin ang iba pang posibleng sanhi, kabilang ang mga dati nang karamdaman o underlying conditions ng bata.

“Maraming dapat tingnan, posibleng may underlying condition ang bata bago pa man,” paglilinaw nito.

Dahil dito, hinimok ni Garin ang mga awtoridad na magsagawa ng masusing imbestigasyon at, kung pahihintulutan ng pamilya, isang autopsy upang matukoy ang tunay na sanhi ng pagkamatay.

Base sa kanyang karanasan bilang dating kalihim ng Department of Health, binalikan ni Garin ang isang katulad na kaso noon kung saan unang isinisi sa deworming campaign ang pagpanaw ng isang bata ngunit napatunayang walang kinalaman dito kalaunan.

Binigyang-diin nito  na napakahalaga ng mabilis at transparent communcaition mula sa Doh upang maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon.

“Dapat agad itong naipapaliwanag sa publiko dahil mahirap kung hihinto ang programa tapos hindi naman pala iyon ang dahilan,” giit pa ng mambabatas.

Sa huli, ipinaalala ni Garin na may mahalagang papel ang mga deworming program sa kalusugan at pag-unlad ng mga bata at binalaan din nito ang publiko na ang pag-aalinlangan dulot ng takot ay maaaring magkaroon ng pangmatagalang epekto sa mga bata.

“Malaki ang epekto nito sa paglaki, sa utak, at sa kinabukasan ng mga bata kung mapapabayaan na hindi mabigyan ng deworming” pagtatapos pa ni Garin. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here