MANILA, Philippines — Inaasahang bababa ang presyo ng gasolina nang P5.30 hanggang P5.50 kada litro sa susunod na linggo, habang posibleng hindi magbago o tumaas nang P0.20 kada litro ang presyo ng diesel, ayon sa pagtataya ng isang source mula sa industriya ng langis.
Batay ang pagtataya sa buong linggong trading sa Mean of Platts Singapore at average ng foreign exchange rates.
Ayon sa source, patuloy na humina ang presyo ng gasolina dahil sa pagbaba ng demand at pagbuti ng suplay sa Asia. Dagdag pa rito ang mas mataas kaysa inaasahang imbentaryo ng gasolina sa United States, na nagpapahiwatig ng mahinang demand.
Samantala, nakatulong umano sa pagpigil sa pagtaas ng presyo ng diesel ang planong pagpapalabas ng emergency oil reserves ng mga bansang kasapi ng International Energy Agency (IEA), kasunduan sa pagitan ng US at Russia tungkol sa diesel, at muling pagpapahintulot ng China sa pag-export ng refined petroleum products ngayong Oktubre.
Tuwing Lunes inanunsiyo ng mga kumpanya ng langis ang opisyal na pagbabago sa presyo, na ipinatutupad tuwing Martes.
Ngayong linggo, nagbaba ang mga kumpanya ng langis ng P3.01 kada litro sa diesel. Samantala, tumaas naman ng P1.56 kada litro ang gasolina at P1.77 kada litro ang kerosene. RNT/MDS