Home METRO 67-anyos dating miyembro ng militia, sumuko sa OrMin

67-anyos dating miyembro ng militia, sumuko sa OrMin

1
0

ORIENTAL MINDORO, Philippines — Sumuko sa mga awtoridad noong Biyernes, Oktubre 16, ang isang 67-anyos na dating miyembro ng militia na iniuugnay sa Communist Terrorist Group (CTG), ayon sa pulisya.

Ayon sa Oriental Mindoro Police Provincial Office (OrMin PPO), ang lalaki ay may asawa, nagtatrabaho sa pamahalaan at magsasaka. Dati siyang kabilang sa Milisyang Bayan ng yunit na KLG Ignacio Calabria Magadia ng CTG na kumikilos sa lalawigan.

Sumuko siya sa himpilan ng 1st Provincial Mobile Force Company sa Barangay San Isidro, Victoria, kina Lt. Col. Aldwin Santos, commander ng kumpanya, at Capt. Joselito A. Punzal, platoon leader ng unang platoon.

Ayon sa pulisya, bunga ang pagsuko ng tuloy-tuloy na intelligence operations, pagbisita sa mga komunidad, dayalogo at pagpupulong sa Barangay San Cristobal upang hikayatin ang mga indibidwal na may kaugnayan sa armadong grupo na talikuran ang armadong pakikibaka.

Nakiisa sa operasyon ang Victoria Municipal Police Station, National Intelligence Coordinating Agency Region 4B, Regional Mobile Force Battalion 4B, 74th Infantry Battalion ng Philippine Army, 23rd Military Intelligence Company at 2nd Special Action Company.

Sinabi ni Oriental Mindoro police director Col. Efraim A. Camara na ipagpapatuloy ng mga awtoridad ang pakikipag-ugnayan sa mga komunidad upang hikayatin ang mga indibidwal na talikuran ang karahasan at mamuhay nang mapayapa.

“We will continue strengthening our engagement with communities to convey the message that there is always an opportunity to change and start anew,” ani Camara.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na dayalogo at pagtutulungan ng mga ahensiya ng pamahalaan upang maisulong ang kapayapaan at kaligtasan ng publiko. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here